PASIG AT BALANGA, READY NA SA FIBA 3X3 WORLD TOUR

HANDANG-HANDA na ang Pasig Chooks at Balanga Chooks ng Pilipinas para sa FIBA 3X3 World Tour Masters ngayong Abril 18 at 19 sa Doha, Qatar. Ito ang unang pagkakataon na may kinatawan muli ang bayan sa sinasabing pinakamataas na antas ng palaro matapos ang limang taon at gagawin nila ang lahat para hindi masayang ito.
Nakapasok ang Pasig o kilala bilang Grindhouse Kings dahil sila ang kampeon sa Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup noong nakaraang Marso 31. Babalik ang mga Pinoy na sina Joshua Munzon at Taylor Statham at Nikola Pavlovic ng Serbia pero may isa pa silang bagong import na 6’3" Pranses na si Angelo Tsagarakis na beterano din sa pambansang koponan sa tatluhan.
Buo pa rin ang Balanga na nakasama sa torneo sa bisa ng kanilang pagiging pangalawa sa katatapos lang na Chooks To Go Asia Pacific Super Quest noong Abril 7. Sina Alvin Pasaol, Leonard Santillan, Karl Dehesa at ang Amerikanong si Travis Franklin ay babalik para sa koponan na kilala rin bilang 1Bataan Risers.
“Handa naming ipahiram ang lahat ng manlalaro sa aming liga lalo na sa parating na Southeast Asian Games,” wika ni Ronald Mascariñas, ang may-ari ng Pilipinas 3X3 sa despedida para sa mga koponan.
Pagkatapos lang ng isang torneo ng Pilipinas 3X3 na tumagal ng dalawang buwan, biglang umusbong ang ranggo ng Pilipinas sa FIBA 3X3 sa 32nd mula sa 49th sa simula ng taon.
Ang patakaran ng torneo sa Qatar ay pareho ng sa Super Quest kung saan ang 12 koponan ay hahatiin sa apat na grupo at maglalaro ng elimination round sa Huwebes. Susundan ito ng knockout playoffs sa Biyernes.Malaking hamon ang naghihintay sa Pasig dahil nasama sila sa Grupo A kasama ng numero-unong koponan ng torneo, ang Liman ng Serbia at Katara ng Qatar. Ang Balanga ay inilagay sa Grupo C kasama ng mga malalakas na Riga Ghetto ng Latvia at Moscow Inanomo ng Rusya.
Ang Tokyo Dime na kampeon ng Super Quest ay nasa Grupo B kasama ng Doha ng Qatar at Novi Sad ng Serbia na tampok ang numero-unong manlalaro ng 3X3 sa buong mundo na si Dusan Bulut. Nasa Grupo D ang Piran at Ljubljana na parehong kinatawan ng Slovenia at Mount Royal McGill ng Canada.





Comments