Karapatan ng mga biktima ng krimen at karahasan
- BULGAR

- Apr 14, 2019
- 3 min read
LAMAN ng mga pahayagan at balita sa telebisyon o sa radyo man ang mga nangyayaring nakawan, holdapan, patayan, pang-aabuso at iba pang uri ng paglapastangan sa mga karapatan ng bawat mamamayan sa alinmang antas ng lipunan na kanilang kinabibilangan. Parang wala nang lugar na mapuntahan ang mamamayan kung saan sila ay ligtas sa mga panganib sa nakawan, patayan at kaguluhan. Sa mga nabibiktima ng mga krimen at anumang uri ng karahasan ay may mga karapatang marapat bigyang-pansin ng estado.
Ang bawat biktima ng kalapastanganan ay sumisigaw ng katarungan sa kaibuturan ng kanilang mga puso at isipan dahil ang pagkawala ng kanilang mga pag-aari at mahal sa buhay ay tunay na magiging sanhi ng ibayong sakit sa kanilang kalooban. Kapag ang tao ay nawalan ng bagay na kanyang pinaghirapan ay lubos niya itong panghihinayangan. Nanaisin nitong mabawi ang mga bagay na ito mula sa taong kumuha nito. Kapag buhay naman ang nawala ay pipilitin nitong pagbayarin ang taong responsable sa pagkitil nito. Kapag ang dangal naman ang niyurakan ay nanaisin ng biktima na makita na naghihirap din ang taong gumawa nito sa kanya. Bawat biktima ng krimen ay sumisigaw ng katarungan at hustisya.
Ito ay normal na reaksiyon ng bawat tao na inagawan ng bagay na mahalaga sa kanyang buhay — buhay man ito ng mahal niya o simpleng pagmamay-ari nito. Ito ay kinikilala ng batas ng tao alinsunod na rin sa matandang kasabihan na tinaguriang “golden rule” na nagpapayo na “huwag mong gawin sa iyong kapwa ang ayaw mong gawin din sa’yo.”
Subalit, ang mga batas ng tao ay ginawang balanse sa pagitan ng biktima at akusado. Ang mga karapatan ng mga biktima ay ating tatalakayin. Ang “Criminal Justice System” ay mayroong limang (5) haligi, ito ay ang mga sumusunod:
1) Law enforcement
2) Prosecution
3) Judicial
4) Corrections
5) Community
Ang limang haliging ito ay magkakaugnay at ipinamamalas ang iba’t ibang proseso ng ating hustisya kung saan ang biktima at maysala ay parehong binibigyan ng karapatan at katarungan. Matapos na ang krimen ay naganap, ang taong inakusahang gumawa ng nasabing krimen ay sasailalim sa pag-aresto at imbestigasyon (law enforcement), prosekusyon (prosecution), paglilitis at pagpapataw ng kaukulang kaparusahan (judicial) at pagsisilbi ng kaukulang parusa na naipataw sa kanya (correction). Matapos ang kanyang pagsisilbi o ito ay nabigyan ng parole o ang dating preso ay babalik sa lipunan na dati niyang ginagalawan.
Sa prosekusyon ng krimen, ang biktima ay tinataguriang testigong nagrereklamo at siya ang isa sa mga magpapatunay ng krimeng nagawa. Kung siya ay may sariling abogado, pangunahing tagapagtanggol pa rin nito bukod sa kanyang abogado ay ang public prosecutor o piskal na nakatalaga sa paglilitis ng kanyang kaso. Sa kawalan ng sarili niyang abogado, ang biktima ay ipagtatanggol ng public prosecutor.
Karapatan ng biktima na patunayan ang krimen na nagawa laban sa kanya sa pamamagitan ng mga ebidensiya tulad ng ibang testigo sa krimen, ang biktima bilang testigo ay may mga karapatan na dapat respetuhin tulad ng mga sumusunod:
1) Maprotektahan laban sa mga nakaiinsultong pagtatanong at marahas na pag-uugali.
2) Karapatang magpahayag ng kanyang testimonya nang hindi hahaba sa hinihingi ng hustisya.
3) Karapatang matanong lamang ng mga bagay na may kinalaman sa kaso at isyu.
4) Karapatang tumangging magbigay ng sagot na maaaring magpababa ng kanyang reputasyon, maliban lamang kung ang nasabing paksa ay mahalaga sa pinag-uusapan.
5) Karapatang tumangging sumagot ng tanong na maaaring maging sanhi ng pagsasampa ng kaso sa kanya maliban lamang kung ito ay ipinag-uutos ng batas.
Kasama rin sa karapatan ng biktima ng krimen na mabigyan ng bayad-pinsala. Ito ay para ibalik ang kanyang nawalang pagmamay-ari. Para sa mga namatayan, ang bayad-pinsala ay hindi para bayaran ang halaga ng puri o buhay ng kanyang minamahal dahil wala itong katapat na halaga kundi bahagi ito ng isinasaad ng batas na:
“Article 100. Civil liability of a person guilty of felony. - Every person criminally liable for a felony is also civilly liable.”





Comments