Gustong ma-monitor ang nahuhulog na kontribusyon sa SSS

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay nagtatrabaho sa isang opisina sa Valenzuela. Kinakaltasan ako ng SSS contribution ng aking employer subalit, nais ko sanang regular na ma-check kung nahuhulugan ng aking employer ang SSS ko. Masyadong hassle na palaging pupunta sa SSS branch, lalo na at medyo may kalayuan ang SSS branch sa aming opisina. May nakapagsabi sa akin na maaari ko raw ma-check ito sa My.SSS. Paano ba ito? Salamat —Shiela ng Valenzuela City
Sagot
Para sa inyong katanungan, maaari nating makita ang ating rekord sa SSS tulad ng naihulog na kontribusyon gamit ang My.SSS Beta portal https://portal.sss.gov.ph subalit, kailangan munang nakarehistro rito.
Ang My.SSS Beta ay online service portal na inilunsad ng SSS upang ma-access ng mga miyembro ang kanilang impormasyon sa SSS sa kahit anumang oras, kahit saan.
Kung hindi pa tayo rehistrado, pumunta tayo sa https://portal.sss.gov.ph at i-click natin ang “Not Registered?.” Punan natin ang mga hinihinging impormasyon sa “Member Registration” at i-click ang “register” button sa pinakamababang bahagi.
Kapag rehistrado na tayo, mag-log-in sa ating My.SSS account gamit ang ating username at password na inirehistro natin sa SSS at i-click ang “login.” Sunod, pumunta kayo sa “e-services” menu at i-click ang “inquiry”. Dadalhin tayo nito sa “member inquiry” page kung saan makikita natin ang ating mga impormasyon bilang kasapi ng SSS.
Sa “member inquiry” page, piliin natin ang “member info” at i-click ang “actual premiums.” Lilitaw ang Contributions - Actual Premiums kung saan makikita natin ang lahat ng ating naihulog na buwanang kontribusyon mula sa taon na naging miyembro tayo ng SSS hanggang sa pinakahuli nating naihulog.
Makikita rin natin kung aling mga buwan na walang naka-post na kontribusyon. Ito ay posibleng nangangahulugang tayo ay walang trabaho sa mga buwang ito o hindi nai-remit ng employer natin ang ating kontribusyon. Dahil dito, mababantayan natin kung naihuhulog ng tama ang ating kontribusyon.
Tandaan na ang bilang ng naihulog na kontribusyon ay isa sa mga batayan sa pagbibigay ng benepisyo sa SSS.
Sa ibabang bahagi ay makikita natin ang kabuuang bilang ng kontribusyon na naihulog natin sa SSS maging ang kabuuang halaga ng naibayad nating kontribusyon.
Maaari nating i-save at i-print ang pahinang ito kung gusto natin. Kapag may nakita tayong anumang pagkakaiba sa ating mga kontribusyon sa SSS, maaari nating tanungin ang ating HR department tungkol dito (kung tayo ay employed) o gawin ang kinakailangang pagwawasto (kung tayo ay self-employed). Sa ganitong paraan, hindi tayo magkakaroon ng anumang problema kapag nag-apply na tayo ng loan o benepisyo sa SSS.
Hinihikayat natin ang mga miyembro na magrehistro sa My.SSS upang palaging maberipika ang kanilang kontribusyon at matiyak na naire-remit ng tama ang ating kontribusyon.
Sa kabilang dako, nais nating ipaalala na mula ngayong Abril, ipatutupad na ang 1% pagtaas ng SSS contribution kaya mula sa 11%, ito ay magiging 12% na. Bunga nito, sa pagbabayad ng ating kontribusyon para sa Abril 2019 hanggang sa mga susunod na buwan, ang bagong contribution rate na ang susundin.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
***
Nais natin ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments