BEERMEN, NILAGOK ANG GAME 1 SEMIS
- BULGAR

- Apr 14, 2019
- 2 min read

IPINARAMDAM ng defending champion San Miguel Beer ang kanilang lakas matapos nilang kalusin ang top seed Phoenix Fuel Masters, 100-88, sa Game 1 ng best-of-seven semifinals ng PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Kumana si point guard Alex Cabagnot ng 26 points, pitong assists at limang rebounds upang akbayan ang Beermen sa panalo at palakasin ang asam na masungkit ang korona na matagal nilang hinahawakan.
Mabagal na inumpisahan ng Beermen ang laro sa first quarter, sa second ay lumagok sila ng 28-12 bentahe para hawakan ang 10-point lead, 49-39, sa halftime.
Umarangkada ang Fuel Masters sa unang canto nang hawakan ang 27-21 abante, pero humarurot ang San Miguel ng 8-2 run sa simula ng second period kaya ginanahan sila hanggang sa dulo ng first half.
Lalong ibinaon ng Beermen ang Phoenix sa third quarter matapos ilista ang 81-59 lamang papasok ng fourth.
Rumatrat ang Fuel Masters ng 15-2 run sa pagbubukas ng playoff period upang tapyasin sa siyam ang kanilang hinahabol, 74-83, may 7:52 minuto pa sa orasan.
Subalit naging matibay sa endgame ang Beermen kaya nakuha ang panalo. Samantala, mistulang namatanda ang league leader Ateneo ng muling gulantangin ng defending champion De La Salle, 25-17, 25-13, 25-23, kahapon sa UAAP Season 81 Women’s Volleyball Tournament sa Araneta Coliseum.
Bunga ng panalo, ganap na nawalis ng Lady Spikers ang head-to-head nila sa eliminations ng Lady Eagles at nakopo nila ang ikalawang Final Four berth sa pag-angat sa markang 9-3, panalo-talo.
Nanguna sa nasabing panalo si rookie Jolina de la Cruz na tumapos na may 14 puntos kasunod sina Aduke Ogunsanya at Lourdes Clemente na may tig-10 puntos.
Wala naman ni isang tumapos na may double figure sa Lady Eagles na pinangunahan ni Ponggay Gaston na may 7 puntos.
Natameme ang Lady Eagles partikular sa kanilang net defense kung saan wala silang nablangka ni isang atake ng Lady Spikers na nagposte naman ng 6 na blocks.
Dinomina rin sila ng La Salle sa spikes, 37-27, gayundin sa service matapos magtala ng 8 aces kumpara sa 3 lamang ng Lady Eagles. (ATD/VA)





Comments