P65-m pekeng cp, dvd, sapatos, damit etc., winasak

HINDI na mapakikinabangan ang mahigit P65 milyong halaga ng mga pekeng produkto na nasabat ng iba’t ibang ahensiya.
Ito ay matapos wasakin ang mga produkto sa Camp Crame kasabay ng pagdiriwang ng Intellectual Property Rights Month.
Winasak ng wheel loader ang mga pekeng CD, DVD at pinunit ang mga pekeng damit habang dinurog ang mga cellphone at cellphone case.
Kabilang din ang sapatos at bag mula sa kilalang brand sa ibang bansa, gayundin ang mga sigarilyo.
Ayon kay Major General Elmo Francis Sarona, hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management ng Philippine National Police, mahalaga na masira ang naturang mga produkto dahil nilalabag nito ang intellectual rights ng mga kumpanya na pinaggayahan nito.
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na kaisa sila sa pagsugpo ng ‘piracy’ na krimen sa ilalim ng batas.
Hinikayat din nila ang publiko na huwag tangkilikin ang mga pekeng produkto kahit mabibili ang mga ito sa mas mababang presyo.
Nabatid na ang mga produkto ay bahagi ng mga nakumpiska noong 2018 sa iba’t ibang operasyon.





Comments