Lola, 4 pa timbog sa droga
- Maeng Santos
- Apr 13, 2019
- 1 min read

LIMANG hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang 66-anyos na lola ang arestado sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/ Col. Restituto Arcangel, ala-1:00 ng madaling-araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PCapt. Deo Cabildo ang buy-bust operation kontra kay Armando Cabayanan alyas Tatay, 49, ng Bgy. 27, Socorro St., Maypajo, Bgy. 26.
Nang iabot ng suspek ang isang sachet ng shabu kay PCpl. Christopher Mamales na umaktong poseur-buyer kapalit ng P300 marked money, napansin nito na pulis ang katransaksiyon kaya mabilis itong tumakbo.
Hinabol ito nina PCpl. Mamales at nagsilbing back-up na si PCpl. Cerwin Lopez hanggang sa makorner sa loob ng bahay sa Socorro St. kung saan naaktuhang sumisinghot ng shabu ang may-ari ng bahay na si Armando Gutierrez, 57, kasama sina Alexander Tenorio, 41, Tolentino Andolero, 52, at Nenita Dambol, 66.
Ayon kay SDEU Investigator PCpl. Donn Herrera, narekober kay Cabayanan ang kaha ng sigarilyo na naglalaman ng apat na sachets ng hinihinalang shabu habang nakuha naman sa apat ang drug paraphernalias.





Comments