Gustong malaman kung bakit kinakailangan ang pagraraspa
- BULGAR
- Apr 13, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Tatlong taon kaming magkarelasyon ng BF ko bago kami nagpakasal. Matapos ang ilang buwan ay nabuntis ako sa aming unang baby, subalit, sa kasamaang-palad ay dinugo ako ilang araw at sa palagay ko ay nakunan ako. Ang sabi ng doktor ay kailangan kong maraspa. Gayunman, hindi na ako bumalik sa ospital, bakit kailangang raspahin, eh, mukhang lumabas naman ‘yung buong dugo dahil napakarami nito?— Ginger
Sagot Ang raspa o dilatation and curettage (D&C) ay pamamaraan na isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matris. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matris tulad ng sobrang pagdurugo, gayundin upang malinis ang loob ng matris pagkatapos malaglag ang ipinagbubuntis. Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na tinatawag na curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).
Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumaranas ng kondisyon sa kanyang matris. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matris kung dumaranas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer. Isinasagawa rin ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matris matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo.
Paano isinasagawa ang raspa?
Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng doktor. Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal ng 15 hanggang 30 minuto. Ang pasyente ay maaaring bigyan ng general anesthesia kung saan makatutulog ang pasyente habang isinasagawa ang pagraraspa o kaya ay spinal anesthesia kung saan kalahati lamang ng katawan ng pasyente ang mamamanhid. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matris upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman. Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.
Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matris tulad ng kanser, pagtubo ng polyps at pangangapal ng mga gilid ng matris. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ang ipinagbubuntis.
Bình luận