TIGRESSES, PUMAPALO PA SA PAG-ASA SA FINAL 4 RND


WINALIS ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines, 25-21, 25-12, 26-24, upang panatilihing buhay ang pag-asang umusad sa Final Four round sa pagpapatuloy kahapon ng second round ng UAAP Season 81 Women’s Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Umiskor si league leading scorer Sisi Rondina ng 20 puntos mula sa 17 hits, 1 block at 2 aces bukod pa sa digs at 8 excellent receptions upang pamunuan ang Tigresses sa pag-angat sa markang 8-4, panalo-talo kasunod si rookie Eya Laure na may 11 puntos.
Sanhi ng panalo, tumabla sila sa ikatlong puwesto sa Far Eastern University na nauna ng nagwagi sa National University at nakasiguro ng playoff para sa huling dalawang Final Four berth habang bumagsak naman ang Lady Maroons sa patas na markang 6-6.
Sa unang laban, pinalakas ng Far Eastern University ang tsansa nilang makaabot ng Final Four matapos pataubin ang out of contention na National University, 25-21, 25-19, 25-22.
Dahil sa panalo, umangat ang Lady Tamaraws sa markang 8-4 panalo-talo. Pinangunahan ng mga beteranong sina Heather Guino-o, Jerrili Malabanan at setter Kyle Negrito ang naturang unang straight sets win sa season ng FEU.
Nagtala si Guino-o ng 11 puntos kasunod si Malabanan na may 10 kills habang gumawa naman si Negrito ng 21 excellent sets at 5 puntos bukod pa sa 7 digs.(VA)





Comments