BIADO, CHUA, FARAON AT IGNACIO SA WPA

DALAWANG malalaking billiards tournament sa buong mundo ang sasargo na at inaasahang mabubulabog ang mga nakaupo sa top 20 ng world rankings simula ngayong Abril 12, Biyernes, sa Las Vegas.
Una rito ang pinakaunang edisyon ng World Pool Billiard Association (WPA) Players Championship na gaganapin sa palaruan ng Griff’s Billiards mula Abril 12 hanggang 21 habang ang makasaysayang U.S. International 9-Ball Open ay masasaksihan sa Mandalay Bay Resort & Casino simula Abril 21 hanggang 26, 2019.
Nakasalalay sa mga balikat nina Carlo “The Black Tiger” Biado, Johann Chua, Raymond Faraon at Jeffrey Ignacio ang pagpapakinang ng tatlong kulay ng Pilipinas sa malupit na pagtitipon ng mga disipulo ng 9-ball.
Sina Biado, pangatlo sa pinakamalupit na bilyarista sa buong mundo at Chua, two-time All Japan champion ay pasok na sa main event habang sina Faraon at Ignacio ay nakasalang pa sa qualifying rounds ng paligsahang magkakaloob ng kabuuang $50,000 sa mga kalahok na mapapabilang sa winners’ circle.
Isa pang pinangingilagang Pinoy, si Alex “The Lion” Pagulayan, ang kalahok din sa torneo. Ang tubong Isabela at dating world 9-ball king na nakabase na ngayon sa Canada ay may maangas na rekord dahil sa napagwagiang apat na korona at isang podium finish sa iba’t-ibang sagupaan ngayong 2019. Pang-apat na rin siya sa kasalukuyang AZBilliards moneyboard.
Matinding harang sa kampanya ng mga Pinoy ang mga de-kalibreng manunumbok mula sa iba’t-ibang parte ng mundo tulad nina Alexander Kazakis (Greece), Niels Feijen (Netherlands), Chang Jung-lin (Taiwan), Ko Pin-yi (Taiwan), Shane Van Boening (USA), Fedor Gorst (Russia), Jayson Shaw (Scotland), Chris Melling (England), Denis Grabe (Estonia), Thorsten Hohmann (Germany), Naoyuki Oi (Japan), Eklent Kaci (Albania), Mika “Iceman” Immonen (Finland) at Ralf “Kaiser” Souquet (Germany).
Sa kabilang dako, ang US Open ay magkakaloob ng winners’ cash pot na $300,000. Ang paligsahan ay gaganapin na sa pang-43 na pagkakataon.





Comments