Babala sa mga pupunta ng beach ngayong tag-init: Party drugs, iwasan!

TIYAK bubuhos ang mga turista sa iba’t ibang tourist destinations sa bansa ngayong bakasyon, kaya naman nanawagan ang Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sa mga beachgoer na iwasan ang paggamit ng party drugs.
Ito ay dahil na rin sa isinagawang buy-bust operation sa Isla ng Boracay noong Marso 25 kung saan nakumpiska ang cocaine at shabu sa disc jockey sa isang disco bar sa nasabing lugar.
Kasunod nito, isa pang DJ sa Boracay Island ang nahuli sa buy-bust operation sa Numancia, Aklan kung saan nakuha sa kanya ang bultu-bultong shabu na nagkakahalagang P300, 000.
Gayunman, sinabi ni P/Cpt. Marc Dado, maaari umanong malagay sa kapahamakan ang kalusugan at kaligtasan ng gumagamit ng naturang iligal na droga, lalo na at karamihan umano sa mga biktima ng party drugs ay kabataan na sinasamantala ng mga drug pusher. Tsk!
Matatandaang, marami ng naganap na insidente hinggil sa party drugs kung saan mayroong mga namatay na nakababahala talaga, lalo na at kabataan na binibiktima ng iba.
Kaya ang panawagan natin sa mga magulang, bantayan at paalalahan ninyo ang inyong mga anak, gayundin, para sa kabataan, umiwas sa mga bagay at gawaing masama!
Samantala, kahit ngayon ang panahon para makapag-enjoy, tandaan natin na kaligtasan muna ang unahin bago ang pagsasaya!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments