‘Di pa nasiyahan sa P120 bilyong tubo | Kumpanya ng tubig, humihirit sa gobyerno ng dagdag-P140 bily
- BULGAR

- Apr 12, 2019
- 3 min read
HINDI pa nasiyahan sa kanilang P120 bilyong tubo sa nakalipas na mga taon, idinemanda pa ng malalaking kumpanya ng tubig ang gobyerno para mabigyan sila ng karagdagang P140 bilyon.
Ano raw? Sila na ang binigyan ng negosyo ng gobyerno para mag-distribute ng tubig sa Metro Manila tapos aawayin pa nila ang Republika ng Pilipinas?
Baluktot talaga ang pamamalakad ng negosyo at politika sa ating bayan.
Ang mga oligarkiya, sa halip na ang taumbayan ang nagdidikta ng mga polisiya, ginagawa nilang inutil ang ating Republika.
Isipin ninyo, hindi lang pinagbigyan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang Manila Water na taasan nila ang singil ng tubig na ibinebenta sa mga tao ay nagalit at nagsampa pa ito ng kaso.
Hindi man pinagbigyan ng MWSS ang Manila Water sa mas mataas na water rate, pero binigyan nila ito ng “water tariff” o buwis kung saan nakakuha ito ng tubo na P55 bilyon.
Nasiyahan ba ang Manila Water sa dagdag-tariff? Hindi! Kinasuhan pa rin nila ang gobyerno.
Tapos dinala nila ang kaso sa Permanent Court of Arbitration (PCA), ang internasyunal na korte kuno ng mga elitista. Matatandaang, sa PCA rin dinala ng dilawang rehimeng Aquino ang kanilang kaso laban sa China.
Ang Manila Water ay pag-aari ng mga Ayala, orihinal na miyembro ng “kultong dilawan”, tagasuporta ng asenderong Pamilya Aquino-Cojuangco at kaaway ng administrasyong Duterte.
Isa pang dahilan na hawak ng Manila Water ang PCA, sa halip na sa The Hague, The Netherlands dininig ang kaso ay inilipat nila ang kaso sa Singapore.
“Home base” ng mga Ayala ang Singapore dahil narito ang kanilang matagal nang partner sa business, ang Temasek Holdings na may-ari ng Singapore Telecoms.
Dalawang banyaga ang isinama sa arbitration tribunal at isang Pilipino. Magtataka pa ba tayo kung bakit natalo ang gobyerno sa kaso at inutusan ito na magbayad ng P79 bilyon?
Saan tayo nakakita na ang dalawang foreigners ay maaaring magdikta sa sovereign na isang estado ng Republika at bansa ng mahigit 100 milyong mamamayan?
Kalokohan ang PCA at iba pang internasyunal na korte tulad ng International Criminal Court (ICC).
Matindi pa rin ang ating “colonial mentality” kaya marami ang naniniwala na mas magaling ang mga banyaga kaysa sa sarili nating mga kababayan.
Walang pagmamahal sa bayan ang malalaking kumpanya ng tubig, mga ganid sila sa pera!
Panahon na para muling kunin ng gobyerno ang serbisyo ng pag-distribute ng tubig sa taumbayan.
Puwede naman itong gawin, lalo na kung mapatutunayang hindi tama ang kontratang pinirmahan sa pagitan ng gobyerno at ng dalawang kumpanya ng tubig.
Kawawa ang taumbayan, pataas nang pataas ang singil sa tubig, pero palpak naman ang kanilang serbisyo.
Alam ba ninyong libreng nakukuha ng malalaking kumpanya ang tubig mula sa mga dam na gawa ng gobyerno? Libre ang tubig, pero malaki ang singil nila sa mga kustomer nila.
Dapat simulan nang singilin ng gobyerno ang dalawang kumpanyang ito para sa tubig na kinukuha nila mula sa Angat Dam, La Mesa Dam at iba pang dams na pag-aari ng Republika ng Pilipinas.
Bakit pumayag ang gobyerno na madehado sila?
Sino ang dapat sisihin sa hindi patas na kontrata sa pagitan ng gobyerno at ng dalawang kumpanya ng tubig?
Walang iba kundi ang pangalawang dilawang administrasyon, ang pangulong itinalaga ni ex-P-Cory Aquino na si ex-P-Fidel V. Ramos.
Si ex-P-FVR ang nag-umpisa sa pagbebenta ng mga ari-arian ng gobyerno sa programang “privatization”. Noong termino nito nagkapirmahan para mabigyan ng natatanging concession agreement ang dalawang kumpanya ng tubig.
Sana ay mag-isip-isip na ang administrasyong Duterte kung paano nila maipagtatanggol ang karapatan ng taumbayan para sa malinis at murang tubig.





Comments