Pahiwatig na may lihim na galit
- BULGAR

- Apr 11, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Nech ng Nech_Roque@facebook.com
Dear Professor,
Napanaginipan ko na nagnakaw daw ako, tapos, may mga taong humabol sa akin, malapit na sana nila akong mahuli, pero may nagligtas sa akin. Pagkatapos, pinatay nila ‘yung nagligtas sa akin, kaya tumakbo ako hanggang sa sumakay ako sa bangka, kaya nakarating ako sa isla.
Magiging okay na sana ako sa isla, kaya lang nakita nila ako at dinala sa bahay kung saan nila ako susunugin, ngunit, napigilan kong kumalat ‘yung apoy sa katawan ko at sa galit ko sa kanila, sila ang sinunog ko at natalo ko sila.
Sana, malaman ko kung ano ang ibig sabihin ng aking panaginip?
Naghihintay,
Nech
Sa iyo Nech,
Ganito ang sabi at ito ay totoo: “in every being, there is a witch within.” Kung babalikan natin ang kasaysayan ng mundo, ang mga mangkukulam ay hinahabol, hinuhuli at sinusunog. Ito mismo ang masasalamin sa panaginip mo at ito rin ang mangyayari sa lahat ng tao kapag ang mangkukulam ay nananalo laban sa “the God within.”
Pero, huwag mong isipin na magiging mangkukulam ka dahil ito ay simpleng nagsasabing sa araw na ito ay iyong napanaginipan ang galit na nananaig sa iyong pagkatao. Ang galit na ito ay ang lihim mong galit sa mundo, sa mga tao sa paligid mo, sa mga nangyayari mismo sa buhay mo.
Alam mo ba ang panlaban sa galit? Ano pa nga ba kundi ang pag-ibig, ‘di ba, “God is love”?
Dahil dito, isabuhay mo ang mga sumusunod na pananaw:
1. Mahalin natin ang dilim dahil kung walang dilim hindi natin makikita ang ganda ng mga bituin.
2. Mahalin din natin ang panahon ng tagtuyot dahil magiging pataba sa lupa ang mga natuyo na nabulok.
3. Mahalin din natin ang pagkalagas ng mga dahon sa sanga dahil bibigyang-daan nila ang panibagong mga usbong.
4. Ang kabiguan ay ating yakapin dahil tinuturuan tayo nito ng magagandang aral sa buhay.
5. Ang sakit at karamdaman ay ating tanggapin dahil ang mga ito ay nagpapaalala na tayo ay buhay pa.
Muli, isabuhay mo ang mga ito nang sa gayun ay hindi ka talunin ng mga lihim na galit na sinisimbolo ng mga mangkukulam.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments