Good news, isang bahagi ng Manila Bay puwede nang languyan!
- Ryan B. Sison
- Apr 11, 2019
- 2 min read

KASABAY nang malawakang rehabilitasyon sa Manila Bay, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may bahagi na ng nasabing dagat ang puwede ng swimming-an.
Sa kabuuan, ang Manila Bay ay may iba’t ibang bahagi kung saan kabilang dito ang dagat sa Bataan, Cavite, Navotas at siyempre sa Maynila.
Gayunman, ang bahagi nito na sinasabing puwede nang languyan ay matatagpuan sa Mariveles, Bataan na tinatawag na Aguawan Beach kung saan bumaba umano nang husto ang fecal coliform level dito.
Ito ay dahil ang ilang piggery at sewers na direktang nagtatapon ng dumi sa dagat ay inalis na ng local government.
Samantala, ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, mahaba pa ang prosesong pagdaraanan para gawing ligtas sa pagsu-swimming ang buong Manila Bay dahil bukod sa mga commercial at residential establishment, malaki ang naidudulot ng passenger vessels sa polusyon ng tubig sa Manila Bay.
Dahil dito, magsasagawa ang DENR ng mga inspeksiyon sa passenger vessels sa mga susunod na linggo upang masiguro na mayroong proper waste disposal at wastewater treatment facilities ang mga ito.
Nakatutuwa naman na nakikita na natin ngayon ang magandang resulta ng rehabilitasyon sa Manila Bay, pero sana, hindi ito abusuhin ng mga tao at bigyan ito ng respeto dahil alam natin umpisa pa lang ito at marami pa ang kailangan para magtagumpay tayo.
Hindi porke, libre at pinayagan, sasamantalahin tapos kung saan-saan na naman magtatapon ng mga basura, galawang ‘Pinoy, eh!
Kaya ang panawagan natin sa publiko, kaunting hiya naman para sa kalikasan na ating napakikinabangan, gayundin sa mga taong tumutulong para tuluyan ng luminis ang kapaligiran!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments