17-anyos napagkamalang sangkot sa droga, pinatay | LOOKOUT NG GUNMAN, TIMBOG
- M. Alfonso
- Apr 11, 2019
- 1 min read

DINAKIP ng Manila Police District-Station 1, ang sinasabing lookout sa pagpaslang sa 17-anyos na dalagita noong Biyernes ng madaling-araw sa Balut, Tondo, Manila.
Nabatid na i-tinurnover sa Manila Police District-Homicide Section ang isa sa dalawang suspek na umano’y nagsilbing lookout na si Alfie Cubelo at unang naaresto dahil sa paglabag sa Batas Pambansa 6 o Illegal Possession of Deadly Weapon at Presidential Decree 881 o Omnibus Election Code noong Biyernes ng ala-1:00 ng gabi sa Rodriguez St., Bgy. 129, Zone 11, Balut, Tondo, ng mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct.
Hindi muna binanggit ang pagkilanlan ng gunman na nakapatay sa biktimang si Ronalyn Cordero, 17, out-of-school youth (OSY), alas-3:45 ng madaling-araw sa Dayao St., Bgy. 129, Zone 11, Tondo, habang hinahanap pa ito.
Batay sa imbestigasyon, nakita ng isang 18-anyos ang dalawa kasama ng gunman na tumakas matapos marinig ang limang putok ng baril.
Nalaman na isang “Juana B” ang hinahanap umano ng mga suspek nang magtungo sa lugar nang pabalik-balik na kilatisin ang biktima na nagkataong kamukha umano ng kanilang hinahanap.
Napagtanungan pa umano ang biktima kung kilala niya ang isang “Juana B” na sinagot na hindi aniya siya ang tanungan ng nawawala.
Umalis at mabilis na bumalik ang gunman at pinaputukan ang biktima na nagtamo ng mga tama sa likod.
Itinakbo pa sa Tondo General Hospital ang biktima subalit, idineklarang patay alas-4:30 ng madaling-araw. Sinasabing ang hinahunting na babaeng kamukha ng biktima ay hindi nag-remit ng perang pinagbentahan ng shabu.
Naniniwala si P/Lt. Colonel Reynaldo Magdaluyo na mas mapapadali na ang pag-aresto sa gunman ngayong hawak na ang kasama nito.





Comments