Scalawag na pekeng pulis-Maynila, nabuking sa dagdag-singil na tongpats
- BULGAR

- Apr 10, 2019
- 2 min read
“HINDI na uso ang P50 na lagay, P100 na tayo ngayon dahil sa TRAIN Law,” ito ang raket na panakot ng pekeng pulis-Maynila na nakatalaga sa Northern Police District (NPD) na tumatawid mula sa Caloocan City patungong Maynila para lang mangotong sa mga motorista, partikular sa mga truck driver sa Road 10 na sakop ng Maynila.
Personal na dumulog sa opisina ng MPD General Assignment Investigation Section (GAIS) ang biktimang itago natin sa pangalang Rico upang ireklamo ang suspek na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay walang humpay itong nangingikil ng P100 sa mga biktima na kapag hindi nakapagbigay ay kung anu-anong violations ang ikinakargo sa mga kaawa-awang biktima.
Dahil sa sandamakmak na sumbong, agad bumuo ng elite police operation si Inspector Francisco Cruz, ang hepe ng GAIS kung saan sa pangunguna nina SPO4 James Poso, SPO2 Byron Orate, SPO2 Marlon Satairapan, PO3 Dean Mark Regala at PO2 Gil Tupil ay nagtagumpay na nahuli matapos ang habulan ang suspek na si PO1 Arnel Pastrana Agustin na nagpapakilalang pulis-Maynila ngunit, sa Caloocan City Police ito naka-assigned na sakop ng Northern Police District (NPD). Pwe!
Napag-alaman pa na kaya ganito ang modus ng balasubas na suspek ay kapag nabulilyaso raw ito ay agad tatakbo pabalik ng NPD kung saan minamantsahan nito ang magandang imahe at pangalan ng Manila Police dahil sa pangongotong nito sa mga motorista na nakatanim na sa isipan ng mga biktima na pulis-Maynila ang ungas na si Agustin kung saan ipinanakot nito ang TRAIN Law ni P-Duterte, pwe ulit! ‘Tado ka, dinoble na ang suweldo mo, suma-sideline ka pa sa maling lugar, pwe ulit!
Dagdag pang sumbong na ang dalang kalibre .45 ng suspek ay walang papeles at nakumpiskahan pa ito ng isang balisong na ayon kay PO3 Kaiser Mijares, may hawak ng kaso ay kinasuhan ng robbery/extortion, Comelec gun ban at illegal possession of deadly weapon ang animal na suspek.
Sa mga ka-BULGAR nating bumabaybay sa Road 10 na sakop ng MPD at NPD, maging alerto, makiramdam at mulat sa mga pumapara sa inyo at nanghihingi ng tongpats.
Agad itong i-report sa tamang awtoridad para mahuli ang mga scalawag na alagad ng batas.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang mgay alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments