Mga kanong senador na pilit nangingialam sa batas ng 'Pinas, wala na kayong madidiktahan!
- BULGAR

- Apr 10, 2019
- 3 min read
MAGULO ang Estados Unidos ngayon. Bastusan na ang pag-uusap sa pagitan ng kampo ng “Liberal” o Democratic Party at konserbatibong Republican Party.
Pinag-uusapan din ang posibleng pag-impeach kay U.S. President Donald Trump. Mabuti pa sa atin, malakas ang suporta ng taumbayan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya noong narinig natin na may limang Amerikanong senador na nagsampa raw ng resolusyon sa U.S. Senate para batikusin ang Pilipinas ay uminit ang ulo natin. Hoy, mga pakialamero, ayusin na lang ninyo ang mga problema ninyo!
Rito pa nanggugulo ang mga mangmang na ito sa pangunguna ni U.S. Senator Marco Rubio ng Florida (tinalo nang husto ni Pres. Trump sa eleksiyon) kasama ng iba pang walang muwang na senador na sina Marsha Blackburn (Tennessee), Chris Coons (Delaware), Richard Durbin (Illinois) at Edward Markey (Massachusetts).
Akala siguro ng mga Kano, kolonya pa rin tayo ng U.S.
Hindi na ninyo kami kayang diktahan, astig na ang ating pangulo. Hindi “tuta” tulad ng dating pangulo na galing sa angkan ng mga Aquino-Cojuangco.
Obvious na may dilawan na naman na taga-New York ang naglakad para gatungan ang mga senador para magsalita laban sa administrasyong Duterte. Parte pa rin ito ng destabilisasyon na ginagawa ng mga talunang miyembro ng “kultong dilaw”.
Isipin ninyo, inutusan tayo ng mga Kanong senador para palayain si Senadora Leila de Lima.
Mga mangmang na Kanong senador, si Sen. De Lima ay nakakulong dahil sa pagkasangkot sa iligal na droga! Suwerte pa nga niya, walang death penalty dito hindi tulad ng China o Thailand na malupit ang mga batas laban sa iligal na droga.
Libre pa rin si Sen. De Lima na magdadakdak sa media. Panay ang “press release” kahit wala namang nakikinig na sa kanya. Tapos sa Camp Crame pa siya nakakulong sa halip na ordinaryong kulungan.
Hindi alam ng mga U.S. senator na noong Justice secretary pa si Sen. De Lima ay doon umano yumabong ang business nitong iligal na droga kung saan ang sentro ng operasyon ay sa Bilibid.
Noong panahon din ni Sen. De Lima nakinabang nang husto ang mga drug lord na nasa loob ng Bilibid. Nagkaroon sila ng maraming prebilehiyo, nakapasok ang mga prosti, alak at iligal na droga, may pool, sauna at recording studio pa!
Tanggal lahat ang mga kalokohan nang nasipa si Sen. De Lima sa puwesto. Drayber at dating ka-”live-in lover” umano ni Sen. De Lima mismo na si Ronnie Dayan, ang testigo na tumatanggap umano siya ng pera mula sa mga drug lord para kay Sen. De Lima.
Mga senador na taga-U.S. Senate, alam ba ninyo ang masalimuot na kasaysayan ni Sen. De Lima? Pinakinggan ba ninyo ang sinabi ng lahat ng tumestigo laban sa kanya, hindi? Eh, di huwag kayong magsalita kung wala kayong alam!
“Mind your own business,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ito pa, gusto pa ng mga mangmang na senador na ibasura raw ang mga kaso laban sa CEO ng Rappler na si Maria Ressa.
Maraming batas ang nilabag nitong si Ressa, kaya dapat lang na kasuhan siya. Kabilang sa mga kasong aktibo laban sa kanya ay tax evasion, tax fraud, cybercrime, anti-dummy investment laws at marami pang iba.
Dalawang beses nang hinuli si Ressa ngunit, dahil may “rule of law” tayo, nakapagpiyansya siya at nananatiling malaya habang dinidinig ang mga kaso niya.
Senador Rubio, alam ba ninyo na hindi nagbabayad ng tamang buwis si Ressa? Ayon sa Department of Justice (DOJ), hindi raw nagbabayad ng income tax at value added tax si Ressa at ang kanyang Rappler.
Sa paglabag ng Philippine Tax Code, nagsampa ang DOJ laban kay Ressa ng limang kaso na nakabimbin ngayon sa Court of Tax Appeals at sa Pasig Regional Trial Court.
May isa pang kaso si Ressa ang tax evasion. Noong Marso 2018 pa lang ay nagsampa na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kaso ng hindi pagbabayad ng buwis laban kay Ressa, sa halagang P133.8 milyon.
May kaso rin hinaharap si Ressa at iba pang ehekutibo ng Rappler (sina Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza at James Velasquez) ng paglalabag diumano ng Anti-Dummy Law at ng Securities Regulations Code.
Ayon sa Pasig City prosecutors, nilabag daw ni Ressa at ng mga kasama niya ang mga batas natin na nagbabawal sa mga dayuhan na bumili, magmay-ari at mag-manage ng anumang kumpanya sa media.
Malinaw sa Konstitusyon, dapat 100 percent Filipino owned ang mga kumpanyang media, pero ang Rappler ay tumanggap ng pera mula sa mga Amerikanong kumpanya (North Base at Omidyar) na bumili ng shares o porsiyento sa news website ni Ressa.
Hay naku, Ressa, hindi ka kasi tunay na Pilipino kaya hindi mo alam ang laman ng Philippine Constitution. Doon ka na lang sa Amerika tumira tutal panay naman ang pasyal mo roon gamit ang U.S. passport mo.





Comments