Kung may batas na nagbabawal sa pagtira malapit sa landfill

Dear Chief Acosta,
Magandang araw! Pangangalakal ang ikinabubuhay ng aming pamilya. Nais naming tumira sa bukana ng mismong landfill upang maging mas madali para sa aming kabuhayan. Gusto kong malaman kung may batas bang nagbabawal sa aming plano? — Omar
Dear Omar,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 9003 o mas kilala sa tawag na “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”. Nakasaad sa Section 48 (5) nito na:
“Section 48. Prohibited Acts - The following acts are prohibited.
x x x
x x x
x x x
x x x
5) Squatting in open dumps and landfills;”
Ayon sa Rule III ng Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas, ang kahulugan ng sanitary landfill ay “waste disposal site designed, constructed, operated and maintained in a manner that exerts engineering control over significant potential environmental impacts arising from the development and operation of the facility. xxx”
Kaugnay nito, ipinagbabawal ng batas na ito ang pagtira o pag-squat sa mismong landfill o open dumps. Nakasaad din sa batas na ang sinumang lumabag ay maparurusahan ng pagkakakulong ng labinlimang (15) araw hanggang anim (6) na buwan. Maaari rin silang magmulta ng halagang isang libong piso (P1, 000) hanggang tatlong libong piso (P3,000). Maaari ring maipataw ang parehong kaparusahan batay sa diskresyon ng korte.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments