Bilang ng mga nahuling nagkakalat kung saan-saan, lalo pang tumaas!

NAKADIDISMAYA dahil umabot na sa 4,316 ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagtatapon ng basura kung saan-saan sa loob pa lamang ng unang tatlong buwan ngayong taon.
Base sa pahayag ng MMDA-Health, Public Safety and Environmental Police Office, nasa 962 ang nahuli noong buwan ng Enero kung saan tumaas ito sa 1,053 nang sumunod na buwan at muli itong tumaas sa higit 100 porsiyento sa bilang na 2,298.
Gayunman, sa kabuuang bilang, nasa 1,487 ang nagbayad ng multa at 32 ang nakaranas ng walong oras na community service.
Samantala, karamihan sa mga pasaway na ito ay nahuling nagkakalat sa Monumento sa Caloocan City; Cubao at North EDSA sa Quezon City; Ortigas District sa Pasig City; EDSA-Taft sa Pasay City; Guadalupe at Buendia sa Makati City.
Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, ang mga ikinalat na basura ay kinabibilangan ng balat ng candy, upos ng sigarilyo, papel at plastik.
Kaya naman binalaan nito ang publiko na paiigtingin pa nila ang Anti-Littering Law para pangalagaan ang kalinisan at kalusugan ng mamamayan ng Kalakhang Maynila.
Dapat lang, lalo na ngayong usung-uso ang mga sakit, partikular na ang dengue, kaya bilang mamamayan, huwag nating hayaang mabiktima muna tayo nito bago natin alagaan ang ating kapaligiran. Matuto tayong magtapon ng basura sa tamang lagayan, hindi naman mahirap ‘yun dahil tayo rin ang makikinabang dito.
Limitahan natin ang paggamit ng plastik at pairalin ang disiplina, hindi uubra ang ugaling walang pakialam kung gusto natin ng pagbabago para sa bayan.
Gayundin, palagi nating tatandaan na nasa kalikasan ang ating kaligtasan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments