top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Pinagmumulan ng pondo ng SSS, alamin!

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 9, 2019
3 min read

ISA sa mga pangunahing pinagmumulan ng pon­do ng Social Security System (SSS) ay ang kontribusyon ng mga miyembro nito. Susi ang pagkakaroon ng mabu­ting koleksiyon ng kon­tribusyon para patuloy na makapaghatid ang SSS ng mga makabu­luhang benepisyo para sa mga miyembro nito sa kasalukuyan at hinaharap.

Dahil dito, pinaig­ting ng SSS ang proseso ng koleksiyon nito mula sa pagpapadali ng mga proseso hanggang sa pagkakaroon ng mahig­pit na kampanya laban sa mga delingkuwenteng employer. Subalit, may­roon pa ring hindi sumusunod, dahilan para hindi matamasa ng mga miyembro ang benepis­yong nararapat sa kanila.

Nang maisabatas ang Republic Act No. 11199 at 11210 o Social Security Act of 2018 at 105-Day Expanded Maternity Leave Law ay mas dumami at tumaas pa ang mga benepisyong hatid ng SSS. Bilang transitory provision, binuksan ng SSS ang Penalty Condonation Program para sa mga delingkuwenteng employer.

Nais ng ahensiya na sa pagpapatupad ng mga bagong batas ay maki­nabang ang bawat mi­yembro. Bukas ang programa hanggang sa ika-6 ngayong Set­yembre 2019.

Ang programa ay nagbibigay ng pagkaka­taon para sa mga deling­kuwenteng employer na mabayaran ng walang multa ang mga kon­tribusyon na hindi nila naihulog para sa kani­lang mga empleyado.

Batay sa datos, tina­tayang aabot sa halos 1.4 milyong emple­yado ng mahigit 132,000 employers ang makiki­na­bang sa programa.

Ayon sa SSS Circular No. 2019-004, ang mga employer na ma­aaring mag-apply sa programa ay ang mga hindi pa nakapagrehistro ng negosyo sa SSS, ga­yundin ang mga household employer; ang mga may nakabimbin o inaprubahang proposal sa Installment Payment Scheme Program ng SSS o sa programang pagtanggap ng mga ari-arian sa paraang dacion en pago; ang mga may nakabimbing kaso na may kaugnayan sa kolek­siyon ng kontri­busyon o penalties o non-reporting ng mga empleyado sa Social Security Commission (SSC), korte, Department of Justice o Office of the Prosecutor; ang mga may hatol na mula sa SSC o korte ngunit, hindi sumunod sa hatol; ang mga nakapagbayad na ng lahat ng kontribusyon bago ang effectivity ng SS Act of 2018 ngunit, mayroon pang hindi nababayarang penalty at mga naisyuhan ng Warrant of Distraint/Levy/Garnishment o encumbrance.

Ang mga employer na nais mag-apply sa condonation program ay maaaring magpasa ng letter of intent saan­mang SSS branch. Maa­aring bayaran ang mga delingkuwenteng kontribusyon ng isang bayaran lamang o maaari silang mag-avail ng installment terms na mayroon lamang 6 porsiyentong interest kada taon.

Para sa installment na paraan ng pagba­bayad, kailangang mag­sumite ang employer ng application for installment proposal sa Head ng SSS Branch o Large Accounts Department. Kailangang magbayad ng downpayment na 5 porsiyento ng kabuuan ng delingkuwenteng kontribusyon at mag­sumite ng promissory note na nangangakong babayaran ang balanse sa magkakapantay na halaga buwan-buwan sa loob ng apat na taon kung saan ang unang installment ay babayaran sa loob ng 30 araw mula sa petsa ng pag-apruba sa proposal.

Matapos mabayaran ang buong delingku­wenteng kontribusyon sa loob ng condonation o installment period ay saka lamang tuluyang aalisin ang mga penalty.

Sana ay gamitin ng mga employer ang pagkakataong ito para mabayaran ang mga delingkuwenteng kontribusyon. Ang SSS ay patuloy na magiging mahigpit sa koleksiyon para sa kapakanan ng mga miyembro nito.

◘◘◘

Nais natin ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panan­daliang panganga­ila­ngang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na mag­sadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page