HOTSHOTS, BUMANAT NG DO-OR-DIE GAME VS. GINS

NAKAHIRIT ng do-or-die Game 3 ang Magnolia Hotshots matapos nilang kawawain ang Barangay Ginebra, 106-77, kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Nagtala si Best Player of the Game Jio Jalalon ng 17 points, anim na assists at tig-limang rebounds at steals upang akbayan ang Hotshots sa importanteng panalo.
Nag-ambag naman sina Ian Sangalang at Robert Herndon ng tig-21 at 18 markers ayon sa pagkakasunod para sa Hotshots.
Ipinaramdam agad ng Hotshots ang kanilang lakas sa unang dalawang periods, hinawakan nila ang 13-point lead, 51-38 sa halftime.
Lalong ginanahan ang Pambansang Manok Magnolia sa third period, kumikig sila ng 30-16 upang kapitan ang 27 puntos na bentahe papasok ng fourth quarter.
Dahil sa laki ng lamang ay halos nag-jogging na lang ang Hotshots sa playoff period.
“Nakahinga ng konti, naka-tie kami sa series,” masayang sabi ni Magnolia head coach Chito Victolero.
Namuno sa opensa para sa crowd favorite Gin Kings si Sol Mercado matapos tumipa ng 13 puntos at anim na rebounds, bumakas si Scottie Thompson at Kevin Ferrer ng tig-walong puntos.
Makalalaban ng mananalo sa pagitan ng Magnolia at Ginebra ang nag-aabang na Rain or Shine Elasto Painters sa semifinals.
Maagang sumampa sa semis ang Elasto Painters, pinatalsik nila ang NorthPort Batang Pier sa quarterfinals.





Comments