Babala sa madalas mamaga ang mga kasukasuan!

Dear Doc. Shane,
Nang mag-edad 60 ang aking nanay ay napansin kong hirap na siyang lumakad at madalas mamaga ang kanyang mga tuhod na may kasamang pamumula. Ang sabi ng tiyahin ko ay gout daw ito. Totoo ba ito, paano ba malalaman kung ito ay gout o arthritis, gayundin, mayroon ba siyang maaaring inumin? — Cady
Sagot
Ang gout ay isang uri ng sakit kung saan namamaga ang kasukasuan. Karaniwan ay nakaaapekto ito sa hinlalaki ng mga paa at sa iba pang kasukasuan sa mga kamay at tuhod. Kilala rin ito bilang gouty arthritis. Dahil isa ito sa pinakamasakit na uri ng pamamaga, kadalasan sa mga taong nakararanas ng gout attack ay umiinom agad ng pain reliever o gamot na inireseta ng doktor.
May posibilidad na magka-gout attack ang tao kapag nakaranas ng matinding sakit sa bahagi ng buto sa kasukasuan at nahihirapang igalaw ang bahaging ito.
Narito ang iba pang sintomas ng gout:
Pamumula, pananakit at pamamaga ng kasukasuan
Pagkati ng kasukasuan
Matinding sakit sa apektadong bahagi ng katawan
Ang pangunahing sanhi ng gout ay ang pagkakaroon ng sobrang taas na antas ng uric acid. Kapag hindi naipalalabas ng mga bato, maiipon ang uric acid sa dugo at bumubuo ng kidney stones. Bagama’t, hindi lahat ng taong may mataas na antas ng uric acid ay nagkakaroon ng gout attack, maaari pa ring maranasan ang mga sintomas nito.
Mas mataas ang posibilidad na magkakaroon ng gout attack kung isa sa mga miyembro ng pamilya ay may gout o nagkaroon na rin ng gout attack.
Bukod dito, maaari ring madagdagan ang chance na magkaroon ng gout kapag may mataas na uric acid level (hyperuricemia).
Mahirap malaman kung may gout ang tao dahil ang mga sintomas nito ay masyadong karaniwan ngunit, maraming mga naibalitang lumala lamang ang kanilang nararamdaman bunga ng self-medication at pag-inom ng maling mga gamot.
Bagama’t, indikasyon ng pagkakaroon ng gout ang pamumula, pananakit at pamamaga ng kasukasuan, hindi masisiguro ang karamdaman dahil lang sa mga sintomas na ito. Kung magpapakonsulta sa eksperto sa kasukasuan, mas magiging sigurado sa pagtukoy ng karamdaman. Praktikal ang pagpapa-check-up upang malaman kung gout ba ang kondisyon o mas malala pa.
Narito ang ilang mga pagsusuri upang malaman kung mayroong gout ang indibidwal:
Blood testing
Joint fluid test
X-ray
Ang punto ng maagang paglunas sa gout ay ang pag-iwas sa pananakit ng kasukasuan. Kadalasan, bubuti ang karamdaman nang ilang araw o oras lamang pagkatapos itong gamutin. Kapag nakaranas pa rin ng gout attack, gawing prayoridad ang paghahanap ng permanenteng lunas sa kondisyon upang hindi ito maging sanhi ng kumplikasyon o ang pagkasira ng kasukasuan.
Narito ang iba’t ibang paraan upang magamot ang gout:
Maglagay ng icepack sa itaas ng naapektuhang kasukasuan upang mahimasmasan ang pananakit at pamamaga.
Iwasan munang gamitin o igalaw ang naapektuhang kasukasuan.
Uminom ng pain relief medication upang malunasan ang pananakit.
Uminom ng mga anti-gout medication tulad ng anti-inflammatory drugs at corticocolsteroids upang malunasan ang pananakit at pamamaga.





Comments