‘Princess of the Stars’ tragedy, 227 patay | KASO VS. SULPICIO EXEC, TULOY — SC
- Madel Moratillo
- Apr 9, 2019
- 1 min read

INATASAN ng Korte Suprema ang Manila Regional Trial Court Branch 5 na buhayin ang kasong kriminal laban sa opisyal ng Sulpicio Lines, Inc. kaugnay sa paglubog ng M/V Princess of the Stars noong 2008 sa kasagsagan ng hagupit ng Bagyong Frank.
Sa 20 pahinang desisyon na isinulat ni SC Justice Jose Reyes, Jr., pinaboran ng Korte Suprema ang mga petisyon na ibalik ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries at damage to property laban kay Edgar S. Go na First Vice-President for Administration at team leader ng Crisis Management Committee ng Sulpicio Lines.
Ito ay matapos baligtarin ng SC ang mga resolusyon at desisyon noong 2013 at 2014 ng Court of Appeals na pumabor kay Go.
Ayon sa Korte Suprema, ang pananagutang sibil ni Go dahil sa trahedya ay hiwalay sa kasong kriminal laban dito.
Si Go ay isa sa mga kinasuhan sa Manila RTC ng DOJ Panel of Prosecutors dahil sa kabilang ito sa mga nagpasya na payagang bumiyahe ang M/V Princess of the Stars sa halip na kanselahin ang biyahe nito sa kabila ng Bagyong Frank.
Iniakyat ni Go ang kaso sa CA matapos ibasura ng DOJ ang kanyang petition for review kung saan nakakuha ito ng paborableng desisyon mula sa Appellate Court.
Matatandaang, Hunyo 2008 nang bumaligtad ang M/V Princess of the Stars na pag-aari ng SLI sa Sibuyan Island sa Romblon sa kasagsagan ng Bagyong Frank.
Nasa 849 katao ang sakay ng barko, 227 sa mga ito ang namatay habang 592 pa ang nawawala.





Comments