Pulis na nanakit sa menor-de-edad dahil sa bintang na nagnakaw ng motorsiklo, lagot!

‘IKA nga nila, ang lahat ng bagay ay nadaraan sa mabuting usapan, kaya kung may problema, hindi dapat pairalin ang pagiging siga o anumang katungkulan at kapangyarihan.
Kaya sa nangyaring aksidente kung saan sinaktan umano ng pulis ang menor-de-edad matapos itong pagbintangang magnanakaw, dapat siyang mabigyan ng leksiyon!
Base sa kuwento, napagkamalan umanong itinakbo ng 15-anyos na bata ang motorsiklo ng pulis, pero nang malaman nitong hindi ito pagmamay-ari ng kanyang tiyuhin ay agad niya itong ibinalik.
‘Yun nga lang, nang ibabalik na ito ng bata ay biglang dumating si Police Corporal Vincent Edra, ang may-ari ng motorsiklo kung saan dito na sinaktan ng pulis ang bata gamit ang kanyang sumbrero.
Gayunman, ito ay kinumpirma ni Police Captain Chris Anthony Sorsano, chief of police ng PNP-Solsona. Aniya, nang pumunta ang bata at ina nitong si Mercy Espiritu sa himpilan ng pulisya sa Laoag City ay pinag-usapan ng dalawang kampo ang isyu kasama ang imbestigador.
Sinabi nito na nang malaman niya ang nangyari ay ipinatawag niya ang kanyang mga tauhan at dito pinagalitan at pinagsabihan ang mga ito.
Dagdag pa rito, kung mauulit pa ang pangyayari, ito na mismo umano ang gagawa ng hakbang para makasuhan ang sangkot na pulis.
Dapat lang dahil una sa lahat, menor-de-edad ang kanyang pinagbuhatan ng mga kamay at kahit pa sabihin natin na nagkasala ang bata, hindi makatarungan na pairalin agad ang init ng ulo at idaan ito sa pananakit, lalo na at may katungkulan siya para sa bayan.
Matatandaang, hindi ito ang unang beses na may ganitong nangyari na sangkot ang kapulisan, pero, bakit paulit-ulit at hindi sila natututo?
Ano pa ba ang dapat gawin ng gobyerno para maputol na ang sungay ng mga ito? Hmmm…
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments