top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Panghihimasok at pang-aabuso ng China sa Pilipinas, dapat nang matuldukan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 7, 2019
  • 2 min read

KAILAN sumosobra ang salita, katahimikan, panghihimasok, pagpaparaya, kasinungalingan at pagtitiwala?

Matagal nang nanghihimasok ang mga taga-China sa ating mga isla, partikular sa West Philippine Sea (WPS). Sa katunayan, nakapagtayo na sila rito ng mga runway at iba’t ibang military installations. Nagreklamo tayo sa United Nations (UN) at naging maganda naman ang resulta nang ipinaliwanag ng naturang institusyon sa pamamagitan ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UN­­CLOS) na iligal at walang karapatan ang China na manghimasok sa WPS dahil malinaw na pag-aari ito ng bansa.

Napakalaking bagay na linawin ng UN ang lawak at ang abot ng ating teritoryo ngunit, hindi nakinig ang China sa desisyon.

Napalitan ang nakaraang administrasyon at dumating ang kasalukuyan. Ang kaso, eh, sa halip na ipagpatuloy ang laban natin para sa ating teritoryo at soberanya, kabaligtaran ang nangyari. Nagpatuloy ang panghihimasok ng China at kahit maraming tinig laban dito, nakapagtataka na sa halip pakinggan ng kasalukuyang administrasyon ang mga tinig na nagtatanggol sa ating teritoryo at soberanya, pinili nitong tumahimik at sabihin na lamang na “ano pa ang magagawa natin? Higanteng bansa ang China. Wala tayong laban dito.”

Noong nakaraang araw, isa pang malinaw na panghihimasok ang ginawa ng mga Chinese nang dumating ang MV Emerald, isang 12,900 toneladang “hopper dredger” na mayroong mga tauhan na galing China. Tumigil ang naturang barko sa bayan ng Lobo sa lalawigan ng Batangas. Ayon sa mga ulat, dumating ang kinatawan ng Seagate Engineering and Build System noong Lunes upang makipag-usap sa opisyales ng Lobo.

Maglalagay umano sana sila ng mga signage upang ipaliwanag ang planong pag-dredge ng buhangin na gagamitin para sa bagong runway sa Hong Kong International Airport. Nang hingan ang mga tauhan sa barko ng mga dokumento na nagsasabing mayroon silang pahintulot sa kanilang gagawin ay walang naipakita ang mga ito. Malinaw na isa na namang panghihimasok mula sa China ang naganap.

Sa wakas, mayroon tayong narinig na malinaw na protesta mula sa Department of Foreign Affairs (DFA). Ito ang kanilang sinabi,”the presence of Chinese vessels near and around Pagasa ang other maritime features is illegal. Such actions are a clear violation of Philippine Sovereignty, sovereign rights and jurisdiction as defined under International Law.”

Gayundin, ayon sa Malacañang, ang magbibigay ng pahintulot para simulan na ang “dredging” ay ang National Security Adviser na si Hermogenes Esperon, Jr., bakit kaya si Esperon ang tinukoy ng Malacañang, naririyan naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi nagbigay ng pahintulot sa Environmental Compliance Certificate (ECC) noong nakaraang taon? Sinuspinde pa umano ni DENR Secretary Roy Cimatu ang tatlong ECC ng Seagate noong nakaraang taon. Nagaganap na naman ang “round robin” o pasahan ng responsibilidad ngayong may problema na namang hinaharap ang bansa.

Malinaw na sumosobra na ang China sa mga paglabag nito sa ating mga batas, pandaigdigan at lokal subalit, malinaw din ang isa pa nating problema ang pananaw ng pangulo at pamahalaan nito.

Kung hahayaan natin ang mga namumuno sa bansa, tuluyan lamang tayong aabusuhin ng China hanggang sa mauwi sa malawakang pananakop na ang kanilang panghihimasok.

Maaari bang magising na ang lahat sa matinding pang-aabuso ng dambuhalang bansa?

Maaari bang ireklamo na natin ang mahina, pasukong pananaw at pagtugon ng pangulo at kanyang mga opisyal?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page