Panawagan sa lahat, maging wais sa pagtangkilik ng mga produktong ibinebenta sa merkado!
- Ryan B. Sison
- Apr 7, 2019
- 2 min read

LIKAS na sa ating mga Pilipino ang mahilig sa mga pampaganda, pang-improve ng kakayahan at marami pang iba, ‘yung tipong hindi tayo nakukuntento hangga’t hindi natin naa-achieve ang gusto nating mangyari at hitsura.
‘Yun nga lang dahil sa kagustuhan nating ito, kahit ‘yung mga gamot na hindi na rehistrado basta mura, eh, pinapatos na rin natin na nakababahala talaga.
Gayunman, nito lamang ay nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa paggamit at pagbebenta ng mga hindi rehistradong sexual enhancement drugs, partikular ang produktong Maximum Sexual King pills na ayon sa ahensiya ay walang Certificate of Product Registration.
Kaya ang panawagan natin sa lahat, walang masama sa pag-e-enhance ng katawan, kakayahan o hitsura, lalo na kung ito ang makapagpapasaya sa inyo bilang tao, pero mainam kung magiging wais tayo sa pamimili ng produkto nang sa gayun ay hindi tayo mapahamak o maloko.
Maliban pa rito, ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, nilabag ng nasabing produkto ang nakasaad sa Republic Act No. 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) na nagbabawal sa paggawa, importasyon, pagbebenta at promosyon ng Maximum Sexual King pills nang walang awtorisasyon mula sa kanilang tanggapan.
Kaya malinaw na hindi makatitiyak ang publiko sa kaligtasan at kalidad ng nasabing produkto dahil hindi ito dumaan sa kanilang pagsusuri.
Samantala, para naman sa Bureau of Customs (BOC), pigilan ang pagpasok sa bansa ng naturang produkto nang sa gayun ay wala na itong maging biktima!
Siguraduhin ang kaligtasan ng marami, bago ang sarili!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments