Mga pagkaing epektib na panlaban sa sakit sa puso
- BULGAR

- Apr 7, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane
Ang aking nanay at edad 65. Noong nakaraang linggo ay nalaman naming mayroong enlargement ang kanyang puso. Ang problema, nababahala kami ng mga kapatid ko dahil madalas siyang kumain ng karne ng baboy at alam naming hindi ito makabubuti sa kanyang kalusugan. Maaari ba ninyo kaming bigyan ng rekomendasyon tungkol sa mga pagkain na makatutulong na mapabuti ang kanyang puso? — Rhodora
Sagot
Narito ang listahan ng pagkaing mabuti para sa ating puso at ugat, mahalagang damihan ang pagkain ng mga ito para maging healthy:
Matabang isda tulad ng tuna, tamban, tilapia, sardinas at salmon — sagana ito sa Omega-3 fatty acid na nagpapaluwag ng ugat sa puso at utak.
Oatmeal — ito ay nagtataglay ng Omega-3 fatty acid, magnesium, potassium, Vitamin B, calcium at fiber. Kapag madalas tayong kumain ng oatmeal tuwing umaga, siguradong malaki ang ibababa ng ating cholesterol.
Saging — mayaman sa potassium, Vitamin C, tryptophan at carbohydrates ang saging. Mahalaga ito sa pasyenteng mayroong alta-presyon at umiinom ng maintenance na gamot sa puso, pero ang saging talaga ay para sa lahat.
Kamatis, karot, kamote at kalabasa — ang 4Ks na ito ay mataas sa beta-carotene, lycopene, Vitamin C at potassium. Maganda ito para sa puso at mga mata.
Monggo beans — mataas ito sa protina, Vitamin B, magnesium, Omega-3 fatty acid, calcium at fiber.
Mani tulad ng almonds at walnuts — ang mani ay mayroong good fats, Vitamin E, magnesium at fiber. Malaki ang naitutulong nito sa ating puso, ugat at balat. Gayunman, kumain ng isang dakot lang at hindi isang bowl. Piliin natin ‘yung mababa lamang ang asin (low-salt).
Tofu, tokwa at soy milk — mayaman ang mga ito sa protein, niacin, folate, calcium at potassium. Ang protina ng tokwa ay mas healthy at hindi nakatataba kumpara sa protina ng karneng baboy at baka.
Spinach at broccoli — may sangkap ito na lutein, Vitamin B, magnesium, potassium, calcium at fiber. Mabuti ito sa tiyan, katawan at puso. Malaki rin ang tulong nito upang magkaroon ng masaya ay mabuting emosyon ang indibidwal na kumokonsumo nito.
Garlic — ang bawang ay may sangkap na allyl sulfides na tumutulong magpababa ng ating kolesterol at blood pressure. Lutuin ng bahagya ang 2-3 pirasong bawang ngunit, huwag itong sunugin dahil mawawalan ito ng magandang epekto. Mag-ingat lang sa pananakit ng sikmura sa sobrang pagkain ng hilaw na bawang.
Dark chocolate — mayroong espesyal na sangkap na resveratrol at flavonoids ang maitim na tsokolate. Gayundin, ang resveratrol ay puwedeng makapagpabata sa atin. Mas healthy ang dark chocolate kumpara sa milk chocolate o anumang uri ng tsokolate na puro gatas at mababa sa cocoa. Makabubuti kung tayo ay madalas kakain ng tsokolate ngunit, dapat ay 1-2 piraso o bar lang para hindi tayo tumaba.





Comments