KINGS-PASIG AT 1RISERS, PASOK NA SA 3X3 ASPAC PLAYOFFS

NAGING matagumpay ang kampanya ng mga pambato ng Pilipinas sa unang araw ng Chooks To Go 3X3 Asia Pacific Super Quest sa SM Megamall, Sabado ng hapon. Parehong pumasok sa knockout playoffs ngayong araw ng Linggo ang Grindhouse Kings-Pasig at 1Bataan Risers kung saan inaasahan na lalong hihigpit ang banggaan ng mga koponan.
Winalis ng Grindhouse ang kampeon ng katatapos lang na Pilipinas 3X3 President’s Cup sa kanilang dalawang laro upang maging numero uno sa Grupo C. Unang tinalo ng mga taga-Pasig ang Indonesia sa overtime, 21-19, kung saan pinasok ni Nikola Pavlovic ang nagpanalong dalawang puntos.Sinundan ito ng 21-15 na tagumpay sa Chinese-Taipei salamat sa mainit na laro nina Taylor Statham at Troy Rike. Haharapin ng Grindhouse ang Australia sa quarterfinals. Maganda rin ang simula ng 1Bataan kontra sa Hong Kong, 21-12. Bumomba ng apat na malayong dos si Alvin Pasaol at malaki ang tulong sa ilalim ni import Travis Franklin.
Hindi pinalad ang Risers sa kanilang pangalawang laro at lumuhod sa Japan, 21-17. Kahit bigo, pumangalawa pa rin ang 1Bataan sa Grupo B at lalaruin ang China sa quarterfinals. Ang iba pang mga laro sa quarterfinals ay ang Mongolia laban sa Indonesia at Japan kontra New Zealand. Maagang nagpaalam ang mga koponan ng Hong Kong, Chinese-Taipei, Timog Korea at Vietnam.Ang karapatan na lumahok sa FIBA 3X3 World Tour Masters ay naghihintay sa kampeon ng torneo. Ang pangalawa at dalawa pang aabot ng semifinals ay ipadadala din sa iba pang mga torneo ng 3X3 sa Malaysia at Tsina.
Maliban sa mainit na bakbakan sa 3X3, aabangan din ngayong araw ang mga palaro ng Three-Point Shootout at Slam Dunk. Ang mga mahusay na shooter at dunker na Pinoy ay susubukan ng mga imbitadong banyagang kasali.





Comments