Kaalaman tungkol sa bagong contribution rate ng SSS

Dear SSS,
Magandang araw! Nabalitaan kong nagtaas ng kontribusyon ang SSS. Ako ay voluntary member at naghuhulog ng P1, 430 kada buwan. Magkano na ang ihuhulog ko sa bagong contribution rate? Maghuhulog ako para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso ngayong Abril, gayundin, ang bagong contribution rate na ba ang susundin ko? Salamat! —Ricardo ng Mandaluyong
Sagot
Para sa inyong katanungan, ang P1, 430 kada buwan ang kinakailangang susundin para sa kontribusyon natin noong Enero hanggang Marso 2019, dahil sakop pa ito ng lumang contribution rate. Naging epektibo lamang ang bagong contribution rate ngayon Abril kaya para sa kontribusyon natin ngayong Abril 2019 hanggang sa mga susunod na buwan, ang bagong contribution rate na ang susundin natin. Batay sa bagong contribution table, ang magiging kontribusyon natin ay P1, 560 kada buwan.
Simula ngayon Abril, ipatutupad na ang 1% pagtaas ng SSS contribution kaya mula sa 11%, ito ay magiging 12%. Bunga nito, mas malaki ang maiipon natin bilang miyembro na magbubunga ng mas mataas na benepisyo at prebilehiyo mula sa SSS. Gayundin, tataas ang magiging pensiyon natin sa ating pagreretiro.
Kasabay ng pagtaas ng contribution rate, iaangat din ang Monthly Salary Credit (MSC) o ang salary level na pinagbabatayan ng halaga ng buwanang kontribusyon. Magiging P2, 000 ang pinakamababang MSC at P20, 000 naman ang pinakamataas na MSC.
Halimbawa, ang miyembro na sumasahod ng P20, 000 kada buwan at nakapagbayad ng 6 kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay makakukuha ng P600 kada araw na sickness benefit mula sa kasalukuyang P480 kada araw.
Ang miyembro na sumasahod ng P20,000 kada buwan at nakapaghulog ng 120 kontribusyon sa kanyang pagreretiro ay makatatanggap ng P8,000 pensiyon kada buwan sa ilalim ng bagong MSC. Ito ay mas mataas sa P6, 400 pensiyon kada buwan na matatanggap niya sa ilalim ng lumang MSC.
Bukod dito, ang pagtaas ng kontribusyon at Monthly Salary Credit ay magpapahaba sa buhay ng pondo ng SSS. Kapag lubusan ng naipatupad ang Social Security Act of 2018, madaragdagan ng 13 taon ang buhay ng pondo ng SSS mula sa kasalukuyang 2032, inaasahan na ito ay aabot hanggang 2045. Ibig sabihin, kayang bayaran ng SSS ang benepisyo ng mga miyembro hanggang 2045.
Marahil, itinuturing ng iba na dagdag-gastos ang pagtataas ng kontribusyon ngunit, dapat maunawaan ng ating mga miyembro na sila rin ang makikinabang pagdating ng oras ng pangangailangan dahil tataas din ang halaga ng mga benepisyo at prebilehiyo sa ilalim ng SSS.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Nais natin ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunadong nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments