IM DIMAKILING, MATIKAS SA DUBAI BLITZ CHESS

Photo: runrio
NAGSOSOLONG International Master si Oliver Dimakiling ng Pilipinas sa grupo ng mga grandmasters ng paspasang ahedres na namamayagpag sa pagpasok sa homestretch ng Dubai Blitz Chess Tournament 2019 sa Al Mamzar Area ng Dubai Chess & Culture Club sa United Arab Emirates.
Taglay ni Dimakiling ang lima at kalahating puntos na produksiyon at kasalukuyan siyang nakaupo sa pang-anim na puwesto, may dalawang rounds na lang ang natitira sa kompetisyon. Limang malulupit na woodpushers ang nasa harap niya: GM Mikheil Mchedlishvili (6.5 puntos, Georgia), GM Ehsan Ghaem-Maghami (6.0 puntos, Iran), GM Le Quang Liem (6.0 puntos, Vietnam), GM Yuriy Kuzubov (6.0 puntos, Ukraine) at GM Alan Pichot (5.5 puntos, Argentina).
Siyam na grandmasters din ang nasa likuran ni Dimakiling (rating: 2396) at lahat sila ay nalalamangan ng Pinoy chesser ng kalahating puntos sa torneong nilalahukan ng 91 manlalaro mula sa iba’t-ibang bansa katulad ng Venezuela, Serbia, Turkey, Algeria, Cuba, Khazakstan, Venezuela, Australia, Egypt at Turkmenistan.
Kasama sa mga nahugutan ng buong puntos ni Dimakiling, may malinaw pang tsansa para makahablot ng upuan sa podium, sina Indian GM S.P. Sethuraman (round 6), Uzbek International Master Vokhidov Shamsiddin (round 7), FM Ahmed Abbas Khouri ng UAE (round 5), local bet Aishah Sarhan Almaini (round 1), at Indian hopeful M. Thaivalappil Mridul (round 2). Sa hatian ng puntos nauwi ang pakikipagsagupa niya laban kay South African FM Naseem Ahmed Essa (round 4).
Samantala, nakikipaghatawan din si Dimakiling sa 21st Dubai Open 2019 at kasalukuyang wala pang talo pagkatapos ng apat na rounds. Nangolekta siya ng isang panalo at tatlong draws. Isa sa mga tabla ay nairehistro niya laban kay Iranian GM Mohammad Amin Tabatabaei.





Comments