top of page
Pokwang.jpg

BEERMEN, NILASHENG ANG KATROPA SA GAME 1 Q’FINALS

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 7, 2019
2 min read

NAPALABAN ng todo ang San Miguel Beer bago nakuha ang 80-78 panalo kontra sa TNT KaTropa sa Game 1 ng kanilang best-of-three quarterfinals sa PBA Philippine Cup kahapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Humugot ng lakas ang Beermen sa second half upang itakas ang panalo at mamuro sa pagsampa sa susunod na phase.

Tumikada sina five-time Most Valuable Player, (MVP) June Mar Fajardo, Marcio Lassiter at Terrence Romeo ng tig 15 markers para sa Beermen. Nagbalak kumawala ang KaTropa sa first quarter matapos hawakan ang 9-point lead, 22-13.

Subalit hindi nagpaiwan ang Beermen, natapyasan nila sa pito ang hinahabol, 39-46, sa halftime.

Unti-unting humahabol ang San Miguel, naibaba nila sa lima ang bentahe ng TNT, 60-65 sa pagtatapos ng third canto.

Naging matatag ang SMB sa fourth quarter upang tuluyan silang makahabol at makuha ang importanteng panalo.

Samantala, naka­pasok sa quarterfi­nals ang NorthPort Batang Pier pero dumaan sila sa butas ng kara­yom.

Kaya naman muling makikilatis ang 7th see­ded Batang Pier laban sa may tangan na twice-to-beat advantage na Rain or Shine Elasto Painters ngayong 4:30 p.m. sa MOA Arena sa Pasay City.

Para kay Batang Pier head coach Pido Jaren­cio deha­do sila sa laban pero gagawin nila ang lahat upang makausad sa susunod na phase. “Dehadong-dehado kami roon. Pero bilog ang bola,” ani Jarencio. “Iba ‘yung lakas ng team na ‘yun (Rain or Shine). Kumpleto ‘yun.”

Inilista ng batang Pier ang 5-6 karta pagkatapos ng 11-game elimination round habang 8-3 ang tinapos ng Elasto Painters.

Nagkaroon ng mahabang pahinga ang E-Painters matapos nilang kalusin ang Meralco Bolts, 88-85 sa kanilang huling laro sa eliminations.

March 15 pa lang ay nakapagpahinga na ang RoS kaya naman sa kanilang three-week break ay nagkaroon sila ng three-day team building sa La Union.(ATD)

Mga laro ngayon: (Mall of Asia Arena)

4:30 p.m. - Rain or Shine vs NorthPort

6:45 p.m. - Phoenix vs Alaska

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page