12-anyos gustong tangayin | BEBOT ARESTADO
- Madel Moratillo
- Apr 7, 2019
- 1 min read

HULI ang isang babae na nagtangka umanong mandukot ng isang bata sa Barangay IVC, Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Marikina City Police, bandang 8:00 ng gabi ay nakatayo umano ang12-anyos na biktima sa gate ng kanilang bahay sa 28 Dama de Noche Street, Olandes, Barangay IVC nang bigla na lang itong lapitan ng suspek na si Marjorie Dejan, 27, ng 348 Guerilla Street, Barangay Holy Spirit, Quezon City at kaagad na kinaladkad palayo ang biktima sa lugar.
Napuna naman ng ilang kapitbahay ang ginawa ng suspek at kaagad itong tinanong kung ano ang ginagawa niya sa bata.
Hindi umano kumibo ang babae at sa halip ay binitawan ang bata at tinangkang tumakas.
Kaagad namang ipinaabot ng mga kapitbahay sa mga magulang ng bata ang pangyayari at ini-report sa tanggapan ng Police Community Precinct 2 (PCP-2).
Rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni P/Capt. Mauro Gerero at mabilis na inaresto ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong attempted abduction in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.





Comments