Sanhi ng dysmenorrhea
- BULGAR

- Apr 6, 2019
- 3 min read
Dear Doc. Shane,
Madalas akong makaranas ng dysmenorrhea kapag mayroon akong period. Sa totoo lang, nakaaabala ito sa aking trabaho, lalo na at madalas kaming nakaupo. Hindi rin ako makapag-focus sa aking mga ginagawa at mabilis akong mairita kaya minsan ay hindi na lang muna ako pumapasok. Ang problema, posibleng maapektuhan ang record ko kaya nais kong malaman kung ano ang sanhi nito at paano ito maiiwasan? — Brunette
Sagot
Ang dysmenorrhea ay mas kilala sa tawag na ‘menstrual cramps’ na nagaganap tuwing dinaratnan ng buwanang dalaw ang babae. Nagdudulot ito ng paninikip sa matris (uterus) na nagdudulot ng pananakit sa mga bahaging nakapalibot sa balakang at sa lower abdomen. Ito rin ay maaaring magdulot ng pananakit ng likod, pagtatae at pagsusuka.
Madalas itong nararanasan ng mga babae sa pagsisimula ng kanilang regla at maaaring tumagal ang mga sintomas nito nang tatlong araw. Bagama’t, hindi ito masyadong nakaaabala sa mga gawain sa araw-araw, ang dysmenorrhea ay maaaring dulot ng umiiral na kondisyon na kinakailangan ng pagsusuri.
Ang pangunahing sintomas ng dysmenorrhea ay ang pananakit ng balakang o gilid ng tiyan. Maaari ring maramdaman ang pananakit sa mga hita o sa ibaba ng likod.
Bukod sa mga sintomas ng menstrual cramps, maaari rin itong magpalala ng ibang mga senyales ng pagreregla tulad ng mga sumusunod:
Pagsusuka
Pagsakit ng ulo
Pagkahilo
Pagiging sensitibo sa ilaw, tunog at amoy
Pagkahimatay
Panghihina
Pagtatae
Ang lahat ng mga sintomas na ito ay maaaring tumagal hanggang sa matapos ang regla ng babae. Hindi ito kadalasang nagdudulot ng malubhang kalagayan ngunit, maaari itong makaabala sa araw-araw na pamumuhay ng babae. Ang sobrang pananakit na dulot ng dysmenorrhea ay maaaring makapigil sa paggalaw.
Ang pangunahing sanhi ng menstrual cramps ay ang paninikip ng matris dahil sa kemikal na prostaglandin. Ito ay karaniwang nangyayari sa panahon ng pagreregla. Sa sobrang paninikip, maaaring maipit ng matris ang mga nakapaligid na daluyan ng dugo na nagdudulot ng kawalan ng oxygen sa mga kalapit na kalamnan.
Ang dysmenorrhea ay maaaring primary o secondary depende sa sanhi nito. Kung ito ay dulot ng umiiral na kondisyon, ito ay secondary dysmenorrhea. Ngunit, kapag ito ay naganap nang walang nauugnay na kondisyon, ito ay primary dysmenorrhea.
Narito ang mga karaniwang sanhi ng secondary dysmenorrhea:
Endometriosis
Adenomyosis
Cervical stenosis
Fibroids
Pelvic inflammatory disease
Sinasabing humihina ang pananakit na dulot ng dysmenorrhea habang tumatanda ang babae. Ito rin ay maaaring tumigil at hindi na bumalik pagkatapos ng panganganak.
Kailangang masuri para sa pagtukoy sa mga kondisyon na posibleng magdudulot ng secondary dysmenorrhea. Ito ay mahalaga upang makapagbigay ng wastong paraan ng paggamot ng sintomas nito. Ang pagsusuri ay karaniwang isinasagawa gamit ang gynecologic ultrasonography, laparoscopy at iba pang uri ng laboratory tests.
Ang pag-inom ng non-steroidal anti-inflammatory drugs at mga pain reliever o analgesic ay epektibong panggamot sa pananakit na dulot ng dysmenorrhea. Ang pag-inom din ng hormonal birth control pills ay makatutulong upang mapigilan ang paninikip ng matris. Mainam din ang paggamit ng heat pads sa apektadong bahagi ng katawan upang humupa ang pananakit ngunit, hindi ito epektibong panggamot sa matagal na panahon. Sa kaso naman ng secondary dysmenorrhea, mahalagang maunawaan ang umiiral na sanhi nito upang maiwasan ang malubhang kumplikasyon.
Narito ang ilang paraan na maaaring gawin upang mabawasan ang paglala nito:
Tamang ehersisyo
Pag-inom ng supplements
Pag-inom ng hormonal birth control pills (dapat may reseta ng doktor)




Comments