PHIL VOLCANOES, KAKAMPANYA SA WORLD RUGBY SEVENS SERIES

PIPILITING magparamdam ng lakas ng Philippine Volcanoes sa pagsabak ng bansa sa prestihiyosong HSBC World Rugby Sevens Series Qualifiers 2019 na nagsimula kahapon sa National Stadium ng Hongkong.
Sa paggabay ng Philippine Rugby Football Union at sa pamumuno ni Danny Bembo Matthews bilang team captain, uumpisahan ng Pilipinas sa Pool E ang pakikipagtagisan sa punong-abalang Hongkong Dragons ng 1:24 p.m. (pang-anim na laro sa kompetisyon) bago ito makipagbuno sa Ikale Tahi ng Tonga ganap na 6:08 ng hapon (pang-11 laro sa torneo). Ngayong Sabado naman, haharapin ng Volcanoes ang Sables ng Zimbabwe 10:30 a.m. sa pang-17 laro ng malupit na kaganapan ng mga rugby world powers.
Matatandaang noon pang 2013 huling nag-qualify ang mga Volcanoes sa prestihiyosong paligsahan. At noong 2018 nga, nakakuha ang Pilipinas ng upuan sa torneo matapos na magtagumpay itong pumangatlo sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng matagal na panahon sa tulong ng pagpapadapa sa Sri Lanka, 19 - 7, sa huling laro ng Volcanoes sa huling yugto ng Asian Sevens Rugby Series sa Racecourse Stadium ng Colombo, Sri Lanka.
Ang resulta ng laro ay nagsilbing pagresbak ng bansa sa Sri Lanka matapos itong masingitan ng Tuskers sa Hongkong leg ng seryeng bukas lang sa walong pinakamalulupit na bansa sa buong Asya sa larangan ng rugby. Ang torneo ay isa sa mga pangunahing aktibidades ng Volcanoes ngayong taong ito. Siyempre pa, nariyan din ang Southeast Asian Games na gaganapin sa Pilipinas ngayong 2019 at kung saan pinupuntirya ng mga Volcanoes ang gintong medalya.





Comments