NBL WOMEN’S LEAGUE, ABANGAN
- BULGAR

- Apr 6, 2019
- 1 min read

MATAPOS magtatag ng men’s league para sa mga homegrown talents buhat sa iba’t-ibang probinsiya, siyudad at munisipalidad, nag-organisa din ang National Basketball League (NBL) ng women’s league para sa hangaring matulungan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pagpapalakas ng mga talento ng ating mga kababaihang manlalaro. Pormal na ilulunsad bukas ang unang season ng Women’s National Basketball League sa Hagonoy Sports Complex sa Taguig City.
May pitong koponan ang kalahok sa inaugural season ng liga na bubuksan ng isang laro tampok ang Parañaque Lady Aces kontra Laguna Lady Pistons ganap na ala-1:00 ng hapon.
Ang iba pang mga koponang kalahok sa first season ay ang Philippine Navy, Philippine Air Force, Taguig Lady Generals, Pampanga Delta Amazons, at Cleon and Clyde Lady Snipers.
Sa pagkakataong ito, may pagkakataon na rin ang mga kababaihang manlalaro na maipakita ang kanilang mga skills sa buong mundo dahil ipalalabas ang mga laro nila sa Solar Sports, NBL Philippines Facebook page, at Net 25 Facebook page at sa GMA News TV International.
“We promised na holistic ‘yung approach natin, meaning hindi lang men’s ang ike-cater natin,” pahayag ni NBL chairman and president Celso Mercado.
Samantala, nagpalakas ang mga koponang kalahok ng kani-kanilang mga rosters sa pamamagitan ng pag-recruit ng mga dati at kasalukuyang national team players at mga ex-collegiate stars buhat sa iba’t-ibang women’s leagues gaya ng UAAP, WNCAA, at NCAA South. (VA)





Comments