Kahalagahan ng pagbibigay-importansiya sa ating mga adbokasiya

NOONG nakaraang Huwebes, nagmisa tayo para sa Recognition Day ng isang batch ng K-12. Ang ebanghelyo noong araw na iyon ay mula kay Juan 35:5-7.
Sinabi ni Juan, “kung ako ay nagpatotoo para sa aking sarili lamang, ito ay walang halaga. Mayroong ibang magpapatotoo sa akin at alam kong totoo ang kanyang pagpapatotoo dahil ito ay tungkol sa akin!”
Totoo ang pagpapatotoo ni Juan dahil hindi ito tungkol sa kanyang sarili kundi sa mismong dahilan kaya siya nangangaral. Walang pangsariling interes ang nag-uudyok kay Juan sa kanyang mga ginagawa. Para kay Kristo, tanging dahil kay Kristo ang lahat ng sinasabi at ginagawa ni Juan. Maituturing si Juan na tunay na kinatawan, saksi, representatibo ng ating Panginoon.
Kaya ito ang naging hamon natin sa mga mag-aaral na magsisipagtapos sa K- 12. Madaling sabihing tayo ay kumakatawan o tumatayo para sa isang tao o institusyon. Marami tayong mga ganyang gawain o propesyon. Sila ang mga ambassador, kasapi ng House of Representatives at Senado gayundin, ang gawain o propesyon ng abogado. Siya ang kumakatawan para sa kliyente. Siya ang tagapagsalita at tagapagtanggol ng kanyang kliyente subalit, nakalulungkot ang nangyayari sa kasalukuyang panahon. Binubusabos ng maraming kinatawan ang kanilang propesyon. Hindi nila dinadala, ipinagmamalaki at ipinagtatanggol ang ating bansa, ang Inang Bayan. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ilan sa mga ambassador ang malinaw na kumakatawan at handang ipagtanggol ang Inang Bayan. Nakalulungkot ang mga pahayag ng ilang mga ambassador na ipinagtatanggol ang ibang bansa at pinalalabas pang mas magaling at masipag ang mga manggagawa ng ibang bansa kaysa sa mga Pinoy, anong klaseng kinatawan sila?
Marami ring mga kasapi, kinatawan o representatibo ng House of Representatives na sariling interes o kapakanan at hindi ang interes ng kanilang nasasakupan ang kanilang ipinagtatanggol. Nakalulungkot ang maraming mga kandidato na nagsasabing, “kami ang inyong kinatawan sa Kongreso. Ang inyong interes lamang at wala nang iba ang aming dadalhin at ipagtatanggol.” Ganu’n ba talaga ang kanilang dinadala o ang kanilang pansariling interes lamang?
Magandang propesyon ang pagiging abogado kung tunay na ipagtatanggol ng mga ito ang Konstitusyon at katotohanan, paano kung ang Chief Justice ang mismong tumalikod at bumastos sa ating Saligang-Batas, paano kung ipinagtatanggol ng abogado ang mandarambong?
Ganito ang hamon natin sa mga mag-aaral? Maging tunay na kinatawan. Tunay nating i-represent ang Inang Bayan at taumbayan. Huwag nating tularan ang mga huwad na kinatawan, may tungkulin, posisyon, pangalan, malaking suweldo ngunit, sarili lamang ang pinagsisilbihan. Samantala, habang nagbibigay tayo ng homeliya, tinanong natin ang tatlong mag-aaral na nakaupo sa bandang kanan natin. Ano ang pangarap ninyong maging kung kayo ay makapagtatapos sa kolehiyo? Sabi noong isa, “titser po.” Sabi naman ng pangalawa, “abogada po.” Sabi naman ng pangatlo, “radio technologist.” Nakatutuwang sumagot ang tatlo, mayroong katiyakan at buong kumpiyansa ang kanilang tinig. Siguradung-sigurado silang magtagumpay balang-araw sa pagtupad ng kanilang mga pangarap.
Ipinaliwanag natin ang katotohanan ay bokasyon. Itinanim ng Diyos sa bawat isa sa inyo ang binhi ng inyong bokasyon. Hanapin ninyo ang binhing ito. Tuklasin at tiyakin ninyo kung ano ang binhing ito.
Dala-dala natin mula nang mabuo tayo sa sinapupunan ng ating ina ang binhi ng ating bokasyon. Tungkulin natin na tuklasin ang binhi ng bokasyon. Naalala natin noong tayo ay nasa Grade 2 pa lamang. Sinabi natin noon na gusto nating maging pari at ang binhing ito ay inalagaan natin at noong tayo ay pumasok na ng seminaryo, katulong natin ang ating mga magulang, kapatid, propesor, kaeskuwela sa seminaryo sa pagtataguyod at pagpapalago sa binhi ng bokasyon.
Kahit saan tayo pumunta, dala-dala natin ang binhi ng bokasyon na galing sa Diyos. Ang espiritu ng Diyos na siyang ipakikilala at palalaganapin sa mga lugar at taong pupuntahan at makasasalamuha.
Maraming bagay, puwersa sa ating paligid na sumisira sa binhing ito na galing sa Diyos na mismong salamin ng espiritu ng Diyos.
Napakagandang dalhin saanman tayo naroroon, ang espiritu ng Inang Bayan, ang espiritu ng Diyos at binhi ng ating bokasyon na nagbibigay-liwanag, lakas at direksiyon sa ating lahat. Amen.





Comments