Inflation rate, patuloy sa pagbaba

BUMABA pa sa ikalimang magkakasunod na buwan ang inflation rate o ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), naitala ang 3.3% inflation rate noong buwan ng Marso, mas mababa sa 3.8% noong Pebrero.
Mas mababa rin ito kumpara sa 4.3% na naitala noong Marso ng nakaraang taon.
Sinasabing pasok din ang nasabing antas sa naunang tinarget ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 3.1% hanggang 3.9%.
“This is the lowest inflation rate since January 2018,” ayon kay PSA Assistant Secretary Josie Perez.
Nagsimulang bumaba ang inflation rate noong Oktubre 2018 sa 6.7% mula nang halos hindi gumalaw sa nakalipas na mahigit 9 na taon mula noong Pebrero 2009.
Tinukoy ni Perez ang pagbaba sa presyo ng pagkain, gayundin ang non-alcoholic beverages at alcoholic beverages at tabako.
Sa pagkain, kabilang sa mga bumaba ang presyo ng bigas, mais, isda, mantika, prutas, gulay, asukal, jam, honey, tsokolate at confectionery.
Gayunman, nilinaw ni Perez na hindi pa nakaaapekto sa presyo ang El Niño phenomenon na nararanasan sa bansa.





Comments