Hirit ng Manila Water: Ilang barangay na higit na naapektuhan ng kawalan ng tubig, hindi na sisingil
- Ryan B. Sison
- Apr 6, 2019
- 2 min read

TUBIG, tubig, tubig!
Matatandaang, sobra ang perhuwisyong idinulot ng kakulangan sa tubig, kamakailan kung saan ilang residente ang nagreklamo dahil ilang araw silang nahirapang maligo, maghugas at iba pa.
Kaya naman, magandang balita dahil ngayon ay nasa 20 barangays na ang natukoy na severely affected dahil sa krisis sa tubig na kostumer ng Manila Water ang hindi sisingilin ng bayad ngayong Abril.
Kabilang sa mga ito ay ang ilang mga barangay sa Mandaluyong, Pasig, San Juan, Taguig at Binangonan, Rizal.
Gayunman, paglilinaw ng Manila Water, 45 barangays ang severely affected kaya hindi pa pinal ang mga nasa listahan at patuloy nilang isinasagawa ang validation para makumpleto ang mga ito.
Samantala, bagama’t, may ilang residente ang malilibre, ayon kay Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla, hindi lahat ng kostumer sa mga nabanggit na barangay ay wala talagang babayarang bill dahil ang ilan sa mga lugar ay hindi naman lubhang nawalan ng tubig.
Kaya ang iba ay makararanas lamang na mabawasan ng 10 cubic meters ang kanilang bill.
Samantala, mas okay na ito kaysa naman maibaon na naman sa limot ang kompensasyon na hiniling ng mga kostumer na dapat namang ibigay.
Alam naman nating sila ang may pagkukulang, kaya sila dapat ang gumawa ng paraan para makabawi sa mga naabala at nahirapan.
Dagdag pa rito, sana, habang sariwa pa ang isyu ay magkaroon na ng pinal na listahan nang sa gayun ay matuldukan na ang problema na kinahaharap ng ilan nating mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments