Anak ni PNP Chief Albayalde, binastos | CDC SECURITY OFFICER, SIBAK
- Jeff Tumbado
- Apr 6, 2019
- 2 min read

PINASISIBAK ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa pamunuan ng Clark Development Corporation (CDC) ang kanilang chief security officer at ilang tauhan nito dahil sa ginawa umanong pambabastos sa kanyang anak.
Pinakakasuhan pa ni Albayalde sa Police Regional Office 3 (PRO 3) si retired Police Colonel Romeo Ver, chief security officer ng CDC sa Clark Field, Pampanga.
Ayon kay General Albayalde, hindi umano niya nagustuhan ang inasal ni Ver sa pagpapakita nito ng kabastusan sa kanyang anak na si Kevin.
Kuwento ng PNP chief, nagalit umano siya nang malamang sinita ni Ver si Kevin Albayalde habang ito ay nagpa-park ng kanyang kotse sa labas ng football field sa Clark Freeport Zone nitong Martes ng alas-9:00 ng umaga kasunod ng pagdisarma sa dalawang pulis na itinalaga bilang bodyguard nito.
Mismong si Ver umano ang sumita kay Kevin at nag-utos sa mga security guard nito na disarmahan ang kanyang mga bodyguard na sina Police Master Sergeant Johnny Belinan at Police Corporal Jeffrey Ebreo.
“Nagpakita agad sila ng arrogance, sinigawan nila ‘yung bata at sinabi nila maghintay ka darating na ang ABS-CBN. Ano ang ibig niyang sabihin doon? Na-ticket-an naman nila ‘yung bata. Nagpakilalang anak ko pero, lalo nilang sinigawan. We are checking kung allowed silang magdala ng baril,” ani Albayalde.
Dagdag pa ng PNP chief, hindi pa natapos ang pambabastos ni Ver sa kanyang anak dahil hanggang sa opisina nito ay pinagsisigawan at pinagagalitan pa rin ang kanyang anak maging ang dalawang security aide nito.
Gayunman, batay naman sa naging pahayag ni Ver sa pulisya, napagkamalan lamang umano nilang Chinese national ang anak ni Albayalde at inakala rin nila na ginagamit ang pangalan nito.
Samantala, sinampahan na ng kaukulang mga kaso si Ver at ang ilang tauhan nito kaugnay sa pangyayari.
Sinabi ni Police Brig. Gen. Joel Coronel, Region 3 police director, paglabag sa Revised Penal Code, grave coercion, unjust vexation at direct assault upon an agent or a person in authority ang kinahaharap ng mga ito.
Nabatid na madya-jogging lamang sana si Kevin sa loob ng football field nang maganap ang insidente.




Comments