Anak ng dating vice mayor pinagbabaril ng 3 riding-in-tandem
- Jeff Tumbado
- Apr 6, 2019
- 1 min read

KRITIKAL sa ospital ang 20-anyos na babae na pamangkin ng kasalukuyang alkalde ng Pandi, Bulacan, makaraang tambangan ng anim na lalaki kamakalawa ng hapon.
Patuloy na ginagamot sa ospital si Pamela Joy Marquez, sanhi ng tinamong pitong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang nabanggit na biktima ay pamangkin ni Pandi, Bulacan Mayor Celestino Marquez at anak ng dating vice-mayor na si Oscar Marquez.
Sugatan din ang motoristang si Coby Alcaraz na tinamaan ng ligaw na bala at nasa ligtas ng kondisyon.
Batay sa inisyal na ulat, anim na armadong kalalakihan na lulan sa tatlong motorsiklo ang nasa likod ng pamamaril sa batang Marquez
Sakay umano si Marquez sa Toyota Fortuner kasama ang apat na iba pa nang isagawa ang pananambang ng mga suspek sa kahabaan ng Bgy. Bunsuran, alas-4:00 ng hapon.
Sinasabing binuntutan ng mga suspek ang grupo ng mga biktima habang pauwi na ito.
Samantala, posible umano na ang target ng paglikida ng grupo ay ang mismong anak ni Mayor Marquez at hindi ang pamangkin nito.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagtukoy sa mga salarin at kung ano ang motibo sa tangkang pagpaslang.





Comments