ACES PASOK SA Q’FINALS, FUEL MASTERS, NAKAABANG


SINILO ng Alaska Aces ang no. 8 spot matapos kalusin ang NLEX Road Warriors, 88-80 kagabi sa playoff ng 2019 PBA Philippine Cup.
Sa simula pa lang ng laro ay humarurot na agad ang Aces upang lagukin ang 19-point lead 44-25 sa halftime.
Hindi nagpabaya ang Alaska sa third period na pinamunuan nina Sonny Thoss at Javee Casio ang opensa upang lumobo ang kanilang lamang sa 23 puntos, 73-50 papasok ng fourth quarter.
Kumana si Thoss ng 21 puntos para akbayan ang Alaska at ipuwesto sa No. 8. Makakalaban ng Aces ang No.1 seed na Phoenix Fuel Masters sa quarters, kailangan nilang manalo ng dalawang beses para makapasok sa semifinals.
Nakipagsabayan ang Alaska sa payoff period upang mapangalagaan ang kanilang lamang at makuha ang importanteng panalo. Nagkaroon ng playoff sa No. 8 dahil pareho silang nagtala ng 4-7 karta pagkatapos ng 11-game elimination round.
Samantala, inangkin ng Adamson University ang ika-siyam na sunod nilang titulo matapos payukurin muli ang University of Santo Tomas, 11-1, sa isang abbreviated match kamakalawa ng umaga sa finals ng UAAP Season 81 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Ngunit kakaiba sa naunang walo nilang kampeonato, naging mahirap ang kampanya ng Lady Falcons sa taong ito.
Kahit na isang beses lamang natalo sa kanilang 13 laro, kinailangan nilang kumayod ng husto upang maangkin muli ang titulo. “Stressful! this year, grabe yung sleepless nights ko,” pag-amin ni Adamson coach Ana Santiago. “Nag-struggle kami nung second round. Tama lang na hindi kami lagi nakaka-regulation dahil natututo kami dun. Ngayon, makakatulog na ako.”
Binigyan lamang ni graduating pitcher Lyca Basa ng tatlong hits ang Tigresses sa kabuuan ng laban. “She’s one of the best pitchers na nagkaroon ako. With her heart, her passion, alam mo ‘yun? Sinabi niya sa akin, tatapusin ko ito,” wika ni Santiago patungkol sa kanilang 2-time Pitcher of the Year at Finals Most Valuable Player.
Nanguna muli para sa opensa ng Adamson ang kanilang lead-off batter at Season MVP na si Arianne Vallestero. Nagtala ang third baseman ng 2-of-4-at-bat at tatlong runs.
Maliban sa Season MVP, ang iba pang nakuhang awards ni Vallestero ay Best Hitter (.556 avg), Best Slugger (.972), Most RBIs (16), Most Homeruns (3) – kapantay ni Rookie of the Year Charlotte Sales ng UST, Most Stolen Bases (6 – katabla ng kakamping si Angelu Gabriel).
Ang nasabing kampeonato ang ika-18 sa pangkalahatang titulo sa softball ng Adamson. (ATD/VA)





Comments