top of page

3X3 CHAMPS, MASUSUKAT NA NG 10 FOREIGN TEAM

  • A. Servinio / VA
  • Apr 6, 2019
  • 2 min read

MALALAMAN kung gaano na kalayo ang naabot ng Pilipinas sa larangan ng 3X3 Basketball sa pagbubukas ngayong araw ng Sabado ng kauna-unahang Chooks To Go Asia Pacific Super Quest sa SM Megamall.

Sasabak ang Grindhouse Kings-Pasig at 1Bataan Risers, ang kampeon at pumangalawa sa katatapos na Pilipinas 3X3 President’s Cup, laban sa 10 banyagang koponan kabilang ang tatlong pinakamalakas sa Asya para sa kumikinang na gantimpalang salapi at ang mas mahalagang tiket na lumahok sa mga mas malaking torneo ng 3X3.

Dahil sa inaasahang antas at kalidad ng torneo, lalong nagpalakas ang mga pambatong Pinoy at kumuha ng bagong manlalaro.

Buo pa rin ang Grindhouse na sina Joshua Munzon, Taylor Statham at Troy Rike pero pinapirma nila si Nikola Pavlovic ng Serbia habang sasamahan sina Alvin Pasaol at Leonard Santillan ng 1Bataan nina Karl Dehesa ng Vigan Baluarte Wolves at ng Amerikanong si Travis Franklin na beterano ng NBA G League.

Ang 12 koponan ay hinati sa apat na grupo at maglalaro ng single round at ang dalawang pinakamataas ay papasok sa knockout playoffs sa Linggo. Ang Grindhouse ay inilagay sa Grupo C kasama ang Chinese-Taipei at Indonesia habang ang Risers ay nasa Grupo B kasama ang Hong Kong at Japan. Unang sasabak ang Grindhouse kontra Indonesia sa 11:40 a.m. at babalik sila ng 3:00 p.m. para laruin ang Chinese-Taipei. Haharapin ng 1Bataan ang Hong Kong na tampok ang dating PBA import na si Reggie Okosa sa 12:40 p.m. at ang Japan sa 2:40.

Ang Grupo A ay kinabibilangan ng Mongolia, Australia at Timog Korea habang ang Tsina, New Zealand at Vietnam ay nasa Grupo D. Ang Japan, Tsina at Mongolia ang tatlong pinakamataas ang FIBA Rank sa Asya at pasok din sa Top Ten ng buong mundo.

Ang kampeon ng torneo ay tutuloy sa FIBA World Tour 3X3 Masters sa Doha, Qatar mula Abril 18 hanggang 19 at sa FIBA 3X3 Challenger sa Penang, Malaysia sa Mayo 11 at 12. Ipadadala rin sa Doha ang magtatapos ng pangalawa habang sa isa pang Challenger sa Kunshan, Tsina sa Mayo 18 at 19 pupunta ang dalawang iba pang koponang aabot ng semifinals. Ang paglahok ng Pilipinas sa mga malalaking torneo na ito ay malaking tulong upang makalikom ng karagdagang puntos at umangat sa FIBA Ranking para makasama sa 2020 Tokyo Olympics.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page