Lalaki tinadtad ng 2 katrabaho

KRITIKAL ang 29-anyos na construction worker matapos pagtatagain ng kanyang dalawang katrabaho makaraan ang pagtatalo sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot sa Valenzuela Medical Center sanhi ng mga tinamong taga sa ulo at katawan si Jerry Parragas ng Sta. Maria, Bulacan at stay-in na trabahador sa Bgy. Pasolo.
Nadakip naman ng mga barangay tanod ang suspek na sina Rodelio Daal, 30, at Jason Casinillo, 29, kapwa stay-in na trabahador din sa naturang lugar.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. David Nicolas Poklay, nag-iinuman ang biktima at mga suspek kasama ang saksing si Benjie Bibat sa construction site nang mauwi sa pagtatalo sina Parragas at Daal kaya inawat ang mga ito ni Bibat.
Umalis si Parragas at nagpahinga sa loob ng kanilang barracks.
Gayunman, alas-3:00 ng madaling-araw nang sundan ito nina Daal at Casinillo saka pinagtataga sa ulo at katawan.
Humingi naman ng tulong si Bibat sa kanilang foreman at nakita rin nito ang mga suspek na pinagtataga ang biktima na mabilis isinugod sa naturang pagamutan.





Comments