Kapalmuks na ex-official ng MMDA, huling nag-e-escort ng negosyante, tsk-tsk-tsk!
- BULGAR

- Apr 5, 2019
- 2 min read
NAHULI ang dalawang dating tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang ini-escort-an ang isang negosyante, todo-uniporme na, may wang-wang pa! Kumpleto ang kanilang “serbisyo”, pero ‘ika nga, peke lang. Marami naman talagang peke sa panahon ngayon, pero kung nahuli ang dalawang ito panigurado, marami ring mga pulis ang suma-”sideline” para mag-escort tulad ng dati na hahawiin pa ang kalsada para makadaan lang ang mga sasakyan na hindi naman pula ang plaka o hindi naman mababa ang numero. Ibig sabihin, pribadong mamamayan lang na may malakas na koneksiyon sa administrasyon o Philippine National Police (PNP).
Tila bumabalik na naman sa dati ang mga hindi magandang galawan o kalakaran sa lansangan. ‘Yung tipong ang pakiramdam nila ay espesyal sila at may karapatan sa lahat na gumawa ng mga bagay na hindi naman ginagawa ng ordinaryong mamamayan. Ang mga awtoridad ay may tinatawag na “no contact apprehension” o ang paggamit ng video camera para makunan ang mga lumalabag sa batas-trapiko. Dapat ang ordinaryong mamamayan ang mangampanya ng pagkuha ng video ng pribadong mamamayan na may escort para makunan ang mga plaka nito. Ayon sa batas, ang pangulo, pangalawang pangulo, Chief Justice, Senate President at Speaker of the House lang ang puwedeng mabigyan ng escort sa kalsada. Hindi ang kung sinu-sino lang na mayroong kakilala sa gobyerno o sa hanay ng kapulisan, gayundin sa ilang opisyal ng gobyerno.
◘◘◘
Nadiskubreng na ang 34 trabahador mula China na nagtatrabaho sa pribadong construction site ay nabigyan umano ng special working permit kahit bawal ito. Ayon sa Bureau of Immigration (BI), bawal maging construction worker ang mga banyaga. Dagdag pa ng BI, ang mga trabaho kung saan bawal ang banyaga ay cashier, waiter, janitor, kasambahay, karpintero, basurero, guwardiya at bodegero o warehouse man.
Isyu ang mga Chinese trabahador na nakapapasok sa bansa kung saan tila inaagawan ang mga Pilipinong trabahador. Nakapanayam ang Chinese at sinabing hindi umano kaya ng mga Pilipino ang kanilang ginagawa. Anong trabaho naman kaya ito? Dapat patunayan nilang hindi talaga kayang gawin ng Pilipino, para may katwiran ang pagkuha sa kanila at ituro kung sino ang nagbigay sa kanila ng special work permit, kung bawal naman pala silang magtrabaho nang ganu’n. Dapat ba sa lahat na dapat pagbigyan ang mga taga-China?





Comments