C-ATENEO, BINALIGTAD ANG P-LETRAN SA D-LEAGUE


BUMAWI ang Cignal-Ateneo sa third quarter, upang mapataob ang Petron-Letran, 83-64, kahapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Uminit si BJ Andrade sa third canto, at isinalansan ang 10 sa kanyang 13 puntos na output upang ibigay sa Blue Eagles ang 63-54 na kalamangan mula sa 35-36 na pagkakaiwan sa halftime. Mula roon, lumobo pa ang lamang ng Cignal-Ateneo hanggang 20 puntos sa iskor na 82-62.
Nag-ambag si Mike Nieto ng 12 puntos kasunod si Angelo Kouame na may 10 puntos at 11 rebounds at si Matthew Daves na may 10 puntos at 9 na rebounds sa nasabing panalo ng Blue Eagles. “Our discipline wasn’t good in the first half and that’s not the right recipe to play successful basketball,” wika ni coach Tab Baldwin matapos masolo ng Ateneo ang ikalawang puwesto ng Aspirants Group sa pag-angat nito sa markang 4-1, panalo-talo.
Nanguna naman sa nabigong Knights si Jerrick Balanza na may 16 puntos. Naputol ang 3-game winning run ng Petron-Letran at bumagsak sa barahang 3-2. Nauna rito, nakabalik sa win column ang Go for Gold-College of St. Benilde pagkaraang padapain ang Batangas-Emilio Aguinaldo College, 102-87.
Nagposte si Justin Gutang ng 20 puntos, 8 assists, 6 steals, at 3 rebounds upang pangunahan ang Scratchers sa panalo na nag-angat sa kanila sa 2-3 marka sa Aspirants Group.
Nagdagdag ng double-double si Roosevelt Adams na 18 puntos at 12 rebounds, kasunod sina Jeremiah Pangalangan at Yankie Haruna na may tig-13 puntos. “Di ako happy. We’re up by 17, akala nila ang galing nila. We almost lost this game,” pahayag ni Scratchers coach Charles Tiu, na dismayado rin sa kanilang naitalang 28 turnovers sa laro. (VA)





Comments