Pabahay sa informal settlers, aprub!


SARILING bahay at lupa ang isa sa pinakapangarap ng bawat pamilya.
‘Yung hindi buwan-buwan umuupa at hindi kakaba-kaba na mapapalayas.
Higit sa lahat, ‘yung kaligtasan mula sa anumang banta.
Gayunman, hindi lahat ay pinapalad na magkabahay.
Kung walang minana o sapat na pera kahit pang renta, malamang, makabilang din sa dumaraming informal settlers.
Naninirahan sa gilid ng kalsada, riles, ilalim ng tulay o kung saan-saan pa na may bakanteng puwesto na puwedeng mapagtayuan kahit barung-barong.
Sadyang mapanganib pero, doon lang uubra.
Kaya malaking bagay kung matutupad ang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga informal settler, partikular sa Metro Manila na maghanap ng mga lupang nakatiwangwang para matirahan.
Ayon sa pangulo, bibilhin ito ng gobyerno upang gawing pabahay para sa mga informal settler. Umaasa tayong sa pamamagitan nito ay matutuldukan na ang paghihirap ng mga nakatira sa barung-barong.
Sa mga lugar kung saan maraming pangarap ang binubuo at pilit inaabot. Marami nang mag-aaral ang nagtapos sa kabila ng maliit, sira-sira at madilim na bahay.
Bagama’t, may pagkakataon nang makapaghanapbuhay para magkaroon ng mas maginhawang tirahan, sadyang mailap pa rin sa kanila ang pangarap dahil sa mahal na halaga ng lupa.
Kaya sana, ang utos na ito ng gobyerno ang maging simula ng maayos na paninirahan.
Wala na sanang Pilipino na mistulang ‘squatter’ sa sariling bayan.





Comments