Bebot nakipag-break, FB hinack ng ex-BF SEX PALIT NUDE PHOTOS


KULONG ang isang mechanical engineer matapos ireklamo ng dating karelasyon na tinakot umano niyang ipakakalat sa social media ang mga hubad na larawan kapag hindi pumayag na makipagtalik sa kanya.
Batay sa ulat, naaresto ang suspek sa kanto ng Quezon Boulevard at Recto Avenue sa Maynila nang magkunwaring pumayag ang biktima sa kagustuhan ng lalaki.
Gayunman, nakapagsumbong na sa mga pulis ang biktima kaya ikinasa ang entrapment operation.
Napag-alaman na pinakialaman ng suspek ang Facebook account ng biktima at nag-post ng mga ikasisira ng babae.
Ayon sa biktima, nitong Marso nang makipaghiwalay siya sa suspek matapos ang tatlong taon nilang ‘on-and-off’ relationship dahil hindi na niya matiis ang pananakit, pagmumura at mga masasakit na salita ng suspek.
Sa mga text message, mababasa ang umano’y pagbabanta ng lalaki na guguluhin ang biktima at ipakakalat ang mga hubad nilang larawan kapag hindi pumayag na makipagtalik sa kanya.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso. (BRT)





Comments