1ST AT 2ND PLACE SINA DE ASAS AT CABATIAN SA U-10 CHESS

PAREHONG tumapos sina Aaron Francis De Asas at Clark Jimuel Cabatian na may tigli-5 puntos sa bakbakan ng mga paslit na disipulo ng ahedres upang matagumpay na maangkin ang unang dalawang puwesto ayon sa pagkakasunud-sunod sa Under 10 bracket ng 2019 National Age Group Chess Championship - Luzon Qualifying Leg sa Robinson’s Place ng Dasmariñas, Cavite.
Kinasangkapan ni De Asas, 3rd seed at may rating na 1687, ang halos walang dungis na kartadang apat na panalo, dalawang tabla at walang talo habang limang panalo at isang talo ang sinandalan ng top ranked na si Cabatian para sa produksiyon.
Itinanghal na kampeon si De Asas, 9-anyos dahil sa mas mataas na tiebreak points sa paligsahang isinaayos ng National Chess Federation of the Philippines.
Nakuha ni Jeroniel Perez, may rating na 1690 at no. 2 sa pre-tournament forecast, ang pangatlong puwesto dahil sa naiposte nitong apat at kalahating puntos (tatlong panalo at tatlong draws) mula sa anim na salang sa board sa kaganapan kung saan tumayong tournament director si GM Jayson Gonzales at Chief Arbiter si International Arbiter Gene Poliarco.
Kasama rin sa iba pang nagmarka sa sagupaan na ginamitan ng “60 mins + 30 second increment” na tuntunin ang mga sumusunod: Daniella Bianca Cruz at Theodore Jude Garcia (boys U08), Cyrus James Damiray at Charlemagne Romanillos (boys U12), Chester Neil Reyes at Emcel Jules Gadut (boys U14), Glaiza Celine Romero at Noreen Sciecky Atienza (girls U08), Mecel Angela Gadut at Franiel Angela Magpily (girls U10), Kaye Lalaine Regidor at Rafah Kamillah Ramos (girls U12), Trisha Ann Paez at Shaina Magne Romanillos (girls U14).
Ang anim na araw na National Finals ay gaganapin sa Zambales Sports Complex Iba, Zambales simula ngayong Abril 4, Huwebes.
Inaasahang dadalo sa pambungad na palatuntunan ang gobernador dito, NCFP prexy Butch Pichay, GM Eugene Torre at WGM Janelle Mae Frayna.





Comments