TORNADOES, BINUHAWI ANG SLR, COLLAR, ASTIG


DINISMAYA ng Foton Tornadoes ang Sta. Lucia, 12-25, 25-14, 25-20, 25-15 upang ganap na maputol ang 11-game na pagsadsad sa standings sa Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa FilOil Flying V Centre.
Mainit ang naging laro ni Spanish import Milagros Collar habang nakatulong din sa pag-alagwa sina Jaja Santiago at Mina Aganon para sa magarang scoring ng Tornadoes na nagtagumpay sa plano nilang makaiwas sa susunod na kabiguan sa preliminaries ng prestihiyosong women’s club tourney.
Tumapos si Collar, miyembro ng Spanish national team ng 15 puntos habang si Santiago at Aganon ay may 13 at 12 marka ayon sa pagkakasunod para sa Foton na napagwagian ang opening-day match kontra United VC bago dumanas ng 11 sunud-sunod na pagkatalo.
Pero nagawang umibayo ng Tornadoes sa 2-11 at ang kanilang panalo sa huling laban ang magbibigay sa kanila ng tsansa na makaiwas na makalaban ang Powerhouse Petron sa quarterfinals. “I hope that this will serve as a morale booster for the team, we’ve been from a very tough situation and we have no one to count on to but ourselves,” ayon kay Foton coach Aaron Velez, na nakakuha ng 11 marka mula kay American reinforcement Courtney Felinski.
“Honestly, we’re still struggling, it was very evident in the game, still I am optimistic that we can start from this one,” dagdag niya.
May tig-12 puntos na naibakas sina Rachel Austero at Casey Schoenlein habang si Molly Lohman ay may 11 para sa Sta. Lucia na ngayon ay patas na sa Foton sa ilalim ng standings sa torneo na isinasaere ng ESPN5 at 5Plus na broadcast partners. (VA/MC)





Comments