Solusyon sa krisis sa tubig | DEPT. OF WATER, OKS — PALASYO

PABOR ang administrasyong Duterte kaugnay sa panukalang paglikha ng Department of Water upang matugunan ang kakapusan ng suplay ng tubig at epekto ng El Niño.
Sa isinagawang 36th cabinet meeting sa Palasyo, kamakalawa, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangan ang lehislatura para sa pagbuo ng bagong ahensiya at tinalakay din ang pagtatag ng Department of Disaster Resilience.
Bukod dito, tinalakay din ang dredging ng mga daanan ng tubig, pagpapalit ng mga tunnel at aqueduct, paglalagay ng mga water tank system sa mga ospital at paglalaan ng pondo para sa pagpapatayo ng water treatment plants. Una nang ipinanukala ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang pagbuo ng water department.
Ipinrisinta naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Adoracion Navarro ang panukalang Executive Order na magpapaigting sa National Water Resources Board (NWRB).
Sa ilalim ng panukalang EO, pag-iisahin na ang NWRB at River Basin Control Office bilang National Water Management Council (NWMC).
Kaugnay nito, magkakaroon na ng streamlining at mapag-iisa ang planning at regulation sa lahat ng water at river basins sa buong bansa at kalaunan ibabalangkas ang National Water Management Framework Plan.





Comments