Mga pulis na mahuhuling nagbibigay ng special treatment sa mga pulitiko, lagot!

NAGBABALA si PNP Chief General Oscar Albayalde na sisibakin niya sa puwesto at serbisyo ang mga pulis na mahuhuling magbibigay ng hindi awtorisadong seguridad sa mga pulitiko.
Ito ay matapos ma-monitor ang pulis na may ranggong master sergeant na nagbibigay umano ng seguridad sa pulitiko sa Abra kung saan ito ay kaagad na sinibak sa puwesto at sumailalim sa imbestigasyon.
Sinabi ni Albayalde na maaaring maharap sa administrative cases ang mga pulis sakaling mapatunayan na sangkot sila sa ganitong gawain.
Gayunman, inatasan na rin umano ng opisyal ang PNP Counter-Intelligence Task Force na magsagawa ng random inspection sa iba’t ibang mga lugar.
Kaya para sa kapulisan, iwasan na ninyo ang pagbibigay ng special treatment sa mga pulitiko, lalo na at hindi naman ito parte ng inyong trabaho.
Iwasan din ang makipag-ugnayan kung hindi naman kailangan, para na rin sa inyong kapakanan.
Huwag na ninyong dagdagan pa ang mga pangit na imahe na tumatatak sa kapulisan sa kasalukuyan, kung gusto natin ng pagbabago, unahin natin sa ating sarili!
Dagdag pa rito, unahin ang seguridad ng lahat ng mamamayan bago ang ilang mga pulitiko na imbes na tumulong ay nagpapahirap lang sa bayan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments